Sino ang dapat managot? (Sabong News)
MANILA, Philippines — Mula sa gross annual sales na P8.2 bilyon noong 2014 ay bumaba ang benta ng tatlong karerahan sa Pilipinas sa P7.7 bilyon noong 2015.
Ito ay nangyayari sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Hindi napigilan ang patuloy na pagbagsak ng benta sa sumunod na dalawang taon kung saan humakot ng total earnings ang karera ng P7.2 bilyon noong 2016 at P7.3 bilyon noong 2017.
Ito ang mga taon kung kailan pumasok sa ilang off-track betting (OTB) stations ng karera ang online sabong.
Sinimulang ipatupad ang TRAIN Law noong nakarang taon at lalong dumapa ang benta sa karera sa P5.5 bilyon.
Dahil sa liit ng benta at premyo sa mga karera at ‘high cost’ sa pag-maintain ng mga race horses ay napilitan ang ilang horse owners na tumigil na sa pangangarera.
Nag-abroad na rin ang ilang hinete para magtrabaho roon bilang ‘farm hands’ o ‘exercise riders’.
Nagpabagsak din sa Philippine horse racing industry ang paglaganap ng illegal bookies sa Metro Manila.
Kumpara sa Pilipinas, ang industriya ng karera sa ibang Asian countries ay patuloy na umaangat kagaya ng Japan, Hong Kong, Singapore, South Korea, Macau at Malaysia.
Sa kabila nito ay umaasa pa rin ang mga stakeholders ng karera sa Pilipinas na matutugunan ito ng Malacañang kung saan napapasailalim ang Philracom, ang ahensiya ng gobyerno na inatasang protektahan, pangalagaan at palaganapin ang horse racing industry sa bansa.
Nakatakdang dumulog sa Palasyo sa susunod na linggo ang ilang grupo sa karera para humingi ng tulong at suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte.