Lulong sa sabong si Mister (Sabong News)
Dati po ay ulirang kabiyak ang aking mister. Isa siyang kawani sa isang tanggapan ng pamahalaan at malaki naman ang kanyang kinikita para sa pangangailangan ng aming pamilya.
Dalawa lang po ang aming anak na nasa public school na ngayon dahil hindi na namin kaya ang mataas na tuition sa private, magmula nang inalipin ng pagsusugal ang aking mister. Halos linggu-linggo ay laman siya ng sabungan.
Tawagin mo na lang po akong Emily, 34-anyos. Nagsimula ang aking kalbaryo nang matuto ng sabong ang mister ko dahil sa kakayaya ng kaibigan niyang seaman. Kapitan daw sa barko at best friend daw niya since elementary sila.
Sa unang pagsasabong ng asawa ko ay tumama siya ng P200 libong piso at tuwang-tuwa siya nang umuwi. Dahil diyan ay naging bisyo na niya ang pagsasabong kahit nang sumakay uli sa barko ang kaibigan niya.
Ang problema, hindi na naulit ang kanyang suwerte at ang mga sumunod na pagsusugal niya ay mas madalas ang talo kaysa panalo. Minsan, kinakapos na kami sa panggastos at may pagkakataong napuputulan kami ng kuryente at tubig.
Nagbago na rin ang ugali niya, ang dating magiliw, masungit at mainitin na ang ulo lalo na kapag natatalo. Kahit paano may maganda pa ring epekto ang quarantine dahil nakapirmi kami sa bahay. Pero gusto ko po sana na tuluyan nang matigil ang bisyo ng mister ko. Ano po ang gagawin ko?
Ganyan ang sugal. Patatamain ka sa una para mawili ka at pagkatapos, sunud-sunod na ang iyong pagkatalo. Ipaunawa mo sa mister mo na walang yumayaman sa sugal. Ipaalala mo sa kanya ang magandang takbo ng kabuhayan ninyo nang hindi pa siya lulong sa pagsasabong at ikumpara ngayon na alipin na siya ng bisyo. Baka sakaling matauhan siya at ma-realize ang kanyang pagkakamali.
Mahirap awatin ang taong talamak na ang bisyo sa pagsusugal, pero kaya mong gawin iyan, at kaya rin ng asawa mo na lumayo sa bisyong iyan kung iisipin niya ang kapakanan at kinabukasan ng inyong pamilya.