Ituloy ang pagsusuot ng face shield (Sabong News)
Author
BANAT NI BATUIGAS
Date
JUNE 19 2021
DINADAGSA na ngayon ang mga vaccination site ng mga taong nais magpabakuna kontra COVID-19 subalit may ilan pa ring matitigas ang ulo kaya patuloy sa pagdami ang kaso. Sa ngayon, 7.5 milyong Pilipino na ang nabakunahan.
Ang problema ng Duterte administration ay ang Davao, Cebu, Iloilo at Negros Provinces matapos mapuno na ang kanilang mga ospital sa pagtanggap ng mga pasyente na may COVID. Hindi kasi makipagkooperasyon ang mga tao roon sa kanilang local government units na maghinay-hinay sa paglameryeda sa kalye, pagpunta sa mga bahay inuman at resorts.
May mga lalawigan na tuloy ang sugalan gaya ng sabong’ at pa-big nights sa mga resto bars. Kaya nalalabag na ang social distancing, hindi pagsusuot ng face mask at face shields.
Sa ngayon, ang pinagtatalunan ng mga pulitiko at health expert ay ang pagsusuot ng face shield. Kung si Pres. Rodrigo Duterte ang tatanungin, ang nais niya ay sa mga ospital na lamang magsuot ng face shield. Subalit sa mga naggagaling-galingan sa health protocols, lalo na sa mga transport group, gusto nila mawala na ang face shield.
Kaya nakasilip ng butas si DOH secretary Francisco Duque III na kontrahin ang isyu sa pag-alis ng face shield. Kung hahayaan na lang na malayang makipaghalubilo ang mga tao na walang face shield siguradong tataas na naman ang kaso ng COVID.
Kaduda-duda naman ang pagkontra ni Duque sa pag-alis ng face shield dahil inaatang pa rin niya kay Digong ang pagpapasya. Dapat manindigan siya na delikadong alisin sa ngayon ang face shield dahil hindi pa umaabot sa 70% ang nababakunahan. Siya dapat ang humikayat kay Digong.
Habang umiinit ang isyu kung aalisin o itutuloy ang pagsusuot ng face shield, tayu-tayo na mismo ang magsuot upang maiwasan ang virus. Maililigtas natin ang sarili at mahal sa buhay.