Nanalo ng P.5M sa sabong, patay sa pananambang (Sabong News)
Author
Cherk Balagtas
Date
JANUARY 18 2018
Tinambangan at napatay ang isang 59-anyos na lalaki na kakapanalo pa lang sa sabong ng kalahating milyong piso ng tatlong riding in tandem habang sugatan ang kasama ng una sa Malabon City kahapon.
Sa ulat ng Malabon City Police, alas-singko ng hapon nangyari ang pananambang sa kanto ng Del Monte Avenue at Mangustan Road, Barangay Potrero.
Angkas ng motorsiklong minamaneho ni Cris Villanueva, na sugatan din sa insidente, ang nasawing si Manuel Cruz, na taga-Navotas City.
Paalis na sila sa sabungan matapos manalo ng kalahating milyong piso nang bigla silang harangin ng anim na suspek na sakay ng tatlong motorsiklo at pinagbabaril.
Tinamaan si Cruz sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahilan upang mahulog siya sa motor saka nilapitan ng ilan sa mga suspek at muling pinagbabaril sa ulo at dibdib.
Hinabol ng iba pang suspek si Villanueva ngunit nang maramdamang may paparating na mga alagad ng batas ay agad ding tumakas.
Hindi na naisugod sa ospital si Cruz dahil patay na ito habang nasa Manila Central University Hospital si Villanueva na patuloy na nilalapatan ng lunas.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at inaalam na rin kung sino ba talaga ang target ng mga suspek dahil nabatid na nasa drug watchlist umano si Villanueva. (Cherk Balagtas)