Pulis, 3 pa huli sa tupada (Sabong News)
Arestado ang isang pulis at tatlong iba pa matapos ang isinagawang raid ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa tupadahan o iligal na sabong sa Cebu City noong Linggo.
Kinilala ang hinuling pulis na si Staff Sgt. Charlito Sanchez Tinoy, naka-assaign sa Regional Personnel Holding Accounting Section, na naaktuhang hawak pa ang pusta sa nagaganap na tupada sa Suldon, Lahug, alas-2:30 ng hapon.
Napagalaman na dati na ring naaresto si Tinoy dahil din sa kasong illegal gambling ayon pa sa ulat ng pulisya. Bukod sa apat na sabungero na kinabibilangan ng tatlong sibilyan at ni Tinoy, nakakumpiska din ang awtoridad ng perang pamusta, mga manok panabong at mga tari.
Bukod sa kasong illegal gambling ay kakasuhan din ang mga suspek ng paglabag sa social distancing at hindi pagsuot ng face mask dahil patuloy na nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang lungsod dahil sa pandemic na COVID-19. (Edwin Balasa)