ABC president ng Lipa, binaril sa sabungan (Sabong News)
Dead-on-arrival sa pagamutan ang presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Lipa City, Batangas matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang nanonood ng sabong ng manok.
Nakilala ang biktima na si Marlon Luancing, Barangay Chairman ng Antipolo del Sur.
Batay sa report, naganap ang pamamaril bandang alas-otso, Biyernes ng gabi sa loob ng Lipa Games and Amusement Complex na matatagpuan sa Barangay Balintawak, Lipa City.
Blangko pa ang Lipa Police sa hindi pa nakikilalang suspek matapos na tumakbo ito at sumabay sa nagkakagulong mga tao.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis kung sino ang nasa likod ng pamamaril sa ABC president o may kinalaman sa politika ang sanhi ng krimen.
Nabatid na naghain ng pagka-konsehal ng Lipa ang anak ni Luancing na si Beverly at pamangkin naman nito na isang incumbent city councilor ay tatakbo bilang bise alkalde sa 2019 elections, samantala, una nang pinatay sa pamamaril ang kagawad ng Barangay Antipolo del Sur na si Romel Cuento Luancing, kapatid ng biktima ng riding in tandem. (Vick Aquino)