Pampasweldo ng barangay, nawaldas sa ‘manok na pula’ (Sabong News)
Author
Ronilo Dagos
Date
OCTOBER 24 2019
Nahaharap sa kasong graft ang isang barangay treasurer sa Iriga City, Camarines Sur matapos nitong malustay ang perang pampasuweldo sa mga barangay official dahil sa sabong.
Kinilala ang suspek na si Gabriel Vargas, treasurer ng Barangay San Isidro.
Ayon sa chairman ng barangay na si kapitan Garry Meriño, napagkaisahan na ng kanilang konseho na sampahan ito ng kaso matapos na matuklasan na nagsinungaling ito sa dahilan sa pagkawala ng pera.
Ayon sa kapitan, sinabi umano ng treasurer na naholdap siya makaraang i-withdraw sa bangko ang halagang P260,000 na para sa honorarium sana ng mga barangay official noong nakaraang buwan.
Natangay umano ng mga holdaper ang lahat ng pera.
Subalit natuklasan na naipatalo lamang pala ito ng suspek sa sabong.
Ayon sa opisyal, wala siyang ideya na magagawa ito ng kanilang treasurer dahil maasahan aniyang opisyal si Vargas kahit noong Secretary pa lamang ito.
“Nakakalungkot dahil umabot pa sa ganito, naisakripisyo ang pera barangay dahil sa manok,” himutok ng kapitan.
Nag-usap ang council matapos ang insidente at napagdesisyunan na tuluyang sampahan ng kaso ang treasurer, dahil ang ginawa nito ay hindi magandang katangian ng isang “ingat-yaman” ayon pa dito.