Vic, atat pasagutin sa P44 million na collectibles sa EB (Latest Sabong News)
Author
Salve V. Asis
Date
MAY 08 2023
Sa pagharap ngayon si Bossing Vic Sotto sa entertainment press para sa media conference ng kanyang bagong sitcom sa GMA 7, ang Open 24/7 with Maja Salvador, sagutin kaya niya ang isyung umabot na sa diumano’y P44 million ang utang sa kanya ng TAPE Inc., ang producer ng Eat Bulaga?
Yup, more than P30 million nga raw ito na naunang nabanggit ni former senator Tito Sotto na utang kay Vic at bukod pa ang kay Joey de Leon ng kanilang programa.
At kahit daw utang pa ‘yun kinakaltasan na si Vic ng tax para sa suweldong ‘di pa bayad.
Sagutin din kaya ni Bossing Vic ang intrigang nabawasan na ang commercial load ng kanilang programa?
May mga product na na-mention sa isang kuwentuhan.
Ma moral issues daw kaya may ilang diumano’y nag-pull out na.
Dedma pa ang kampo ni Sunshine Cruz habang sinusulat namin ito sa inilabas na resolution ng Regional Trial Court of Daet, Camarines Norte kaugnay sa kasong Estafa.
Tulad sa naisulat namin kahapon, diumano’y nag-invest ang mga nagreklamo ng P10 million dahil sa pangakong kikita sila sa online sabong.
Nag-umpisa diumano ang kanilang transaksyon noong February 2022 kung saan pinuntahan daw nila Sunshine at isang nagpakilalang Jonathan Tubic-Dy ang bahay ng mga nagdemanda na sina Benedicto Cosa Padua at Rogelio Cruz Fonacier ng Jose Panganiban, Camarines Norte.
Diumano’y ang pakilala ng dalawa ay konektado sila sa mga pulitiko. Si Sunshine raw ay nagbanggit pa gagawin siyang Tourism officer ng nasabing bayan at ang kasama niya diumano ay nagpakilalang anak ng isang governador.
Anyway, last March pa inilabas ang nasabing resolution kaya’t by this time ay nakapagbayad na marahil sila ng piyansa.
Anyway, kasama si Sunshine sa cast ng Pira-Pirasong Pangarap, na siyang unang teleserye na collaboration ng ABS-CBN at TV5.
Pangungunahan ang serye nina Ronnie Alonte, KD Estrada, Joseph Marco, Elisse Joson, Alexa Ilacad, Charlie Dizon at Loisa Andalio.
Hinding-hindi na raw ulit kukuha ng local endorser ng isang brand dahil sa naging experience nito sa actress.
Hindi raw tumupad sa contract ang actress kaya nalungkot ang nasabing brand.
Actually, breach of contract nga raw ang nangyari pero hinayaan na lang ng representantive ng nasabing brand.
Hinihintay na lang daw nilang matapos ang contract nito sa kanila. Pero lungi-lugi raw ang nasabing brand.
At ayon sa representative ng brand, never again silang kukuha ng celebrity endorser. Ang observation daw kasi nila, lahat ng artista ngayon mga branded na ang gustong isuot o irampa.
Wala nang pakialam sa local products kahit endorser pa sila.
Patalbugan daw sa LV (Louis Vuitton), Gucci, Hermes, etc.
Trending nga ngayon sa showbiz ang mga luxury brand sa mga artista.
Talagang kahit ‘di naman sila mga endorser, todo post at tina-tag pa ang mga social accounts ng luxury brand, hoping na mapapansin sila at gagawing ambassador. Kaya ang ending, naiiwan sa ere ang local brands.
Ang mga afford naman na kumpanya, mga Korean star ang kinukuhang endorser na binabayaran nila ng milyun-milyon.
Anyway, dahil sa mga pangyayari, parang natatabunan na nga ang local brands.
Sayang ‘din ‘yun. Sana nga sinipagan na lang ni actress.
Millions din daw ang talent fee dun.
Aminado ang beteranong aktor na si Pen Medina na humina ang kanyang puso simula nang operahan dahil sa degenerative disc disease (DDD) – spine disorder.
Pero nakakatrabaho na ulit siya though hinay-hinay lang daw.
“Sugat ko na lang ang pinoproblema ko kasi mula nung naospital ako paglabas ko parang medyo humihina ang aking puso pero onti-onting lumalakas,” pahayag ng senior actor sa aming interview.
May mga bawal ba siyang gawin ngayon?
“Ang pinakaiingatan kasi may implant, dalawang ganoon (dini-demonstrate niya ng kamay) kahabang naka-tornilyo sa puso ko kailangan walang matinding twist or pagyuko.”
Paano ka nag-iingat sa shooting o taping?
“Sinusubukan ko muna halimbawa may papagawa si Coco (Martin sa FPJ’s Batang Quiapo). ‘Tito Pen kaya mo ba itong ganito?’, ‘yung namamalimos ako. Direk subukan ko kapag hindi sumakit kaya ko po. Oh kaya Direk ‘wag lang malayo, ‘wag lang mabilis, walang suntukan.”
May oras po ba kayo or may cut-off ka sa trabaho?
“Oo, pero syempre kapag ganyang taping lalo na wala kaming script on the spot ang <taping> talagang nai-extend ‘yan, shooting hours. Humingi ako ng cut-off. Noong umpisa hindi, nahihiya ako eh kaya lang parang bumabagsak lalo ‘yung katawan ko. Hindi kinaya pakiramdam ko... Humingi ako 10 o’ clock (p.m.).”
Pero sa kabila ng kanyang kalagayan at edad, 74 na siya, wala sa plano ni Mang Pen na mag-retire at iwan ang showbiz.
“Wala, kasi hindi naman araw-araw lalo na ang dami naming cast hindi naman ako isasalang ng 3x a week pero thankful ako kasi bawat linggo nakaka-taping kami.
“The rest of the week nakakapagpahinga, nagpi-paint ako nagdo-drawing ako pang-studies ko na hopefully makapag-exhibit in the future,” banggit pa ni Mang Pen na dating kontra sa COVID-19 vaccine pero ngayon daw ay vaccinated na siya.
And yes, nagpi-paint daw siya.
At ang dami niyang pinakita sa aming gawa niya na naka-save sa kanyang cellphone.