Cong. Teves, kaanak ‘siga’ sa Negros Oriental (Latest Sabong News)
Author
Gemma Garcia
Date
APRIL 19 2023
MANILA, Philippines — Ginagawang paghahari-harian ni suspended Cong. Arnolfo Teves Jr., at kanyang mga kaanak sa lalawigan ng Negros Oriental.
Ito ang inilahad ni Pamplona Mayor Janice Degamo sa pagdinig ng Senado patungkol sa karumal-dumal na pagpaslang sa mister nitong si Negros Oriental Gov. Roel Degamo at direktang itinuturo si Teves na may kinalaman sa mga nangyayaring patayan sa kanilang probinsya.
Ipinakita ni Mayor Degamo ang listahan ng 49 na mga biktima ng pagpatay sa Negros Oriental mula 2007 at ang mga kasong ito ay konektado dahil lumalabas sa ilang mga kaso na pareho ang suspek sa pagpaslang patunay na may private armed groups ang mga Teves.
Maliban dito, kinatatakutan din ang pamilya sa kanilang lugar dahil kapag ang mga Teves ang kalaban at inireklamo walang abogadong gustong tumanggap sa kaso at minsan pa aniya ang piskalya pa ang magrerekomenda na huwag nang ituloy ang reklamo.
Maging ang Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment of Natural Resources (DENR) at Commission on Elections (COMELEC) sa kanilang lalawigan ay takot din sa mga Teves dahil sa pangamba na baka raw sila ay mapatay.
Ibinahagi rin ni Mayor Degamo ang impormasyon na tuloy pa rin ang iligal na e-sabong sa kanilang probinsya na minamanduhan ng anak ng kongresista na si Kurt Matthew Teves at may proteksyon mula kay dating Gov. Pryde Henry Teves.
Itinanggi naman ni dating. Gov. Teves ang akusasyon ng alkalde at sinabi rin nitong nakapagsumite na siya ng waiver sa Department of Justice (DOJ) para masilip ang kanyang bank accounts upang patunayan na wala siyang iligal na aktibidad.