Rep. Teves binantaan ang NBI sa e-sabong crackdown (Latest Sabong News)
Author
Gemma Garcia
Date
APRIL 20 2023
MANILA, Philippines — Inakusahan kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Central Visayas ang kontrobersyal na si suspended Cong. Arnolfo Teves, Jr. na nagbibigay umano ng proteksyon sa mga e-sabong operators sa rehiyon na kung saan ilan sa mga kaanak nito ay sangkot dito.
Ito ang inihayag sa pagdinig ng Senate committee on Public Order ni NBI Central Visayas Director Renan Oliva na kung saan ang suspendidong solon ay sinabihan umano siya na ibasura ang kaso ng isang e-sabong operator sa Cebu.
Isinalaysay ni Oliva ang ikinasang operasyon noong September 19, 2022 sa bisa ng search warrant laban sa iligal na e-sabong sa Barangay Calajo-an Minglanilla, Cebu kung saan naaresto ang 37 empleyado at huli sa akto ang ginagawang live streaming ng e-sabong at dito ay nakumpiska ang P2.6 million cash mula sa iligal na operasyon.
Ayon pa kay Oliva na kinabukasan Sept. 20, 2022, matapos ang pagsasampa ng kaso sa mga nahuli ay nagtungo si Teves at mga kasama sa NBI office para umano maayos ang kaso.
“On Sept. 20, Cong. Teves together with a certain Mr. Tomasino Alegro and their entourage arrived at the NBI office. The opening statement of Teves to me was that he was not connected to e-sabong activities... I was then surprised when he told me he will sue my men for stealing P7 million at that cockpit, but he will spare me from the case if I make it negative of any incoming ops in e-sabong,” wika ni Oliva sa panel na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Tinawanan lang ni Oliva ang offer ni Teves at sinabi nito na hindi niya kayang ipagkanulo ang kanyang sinumpaan bilang isang law enforcement officer.
“It’s very bad. Akala ko pulis lang ang kaya n’yang takot takutin dun. Pati NBI pala,” wika ni Dela Rosa.
Nagtaka na lamang din ang NBI na biglang nabasura ang inihaing kaso sa korte sa kanilang ginawang raid laban sa e-sabong at sa halip ay sila pa ang nasampahan ng asunto at may alegasyon pa na nagnakaw sila ng P10 million mula sa unang P7 million na banta sa kanya ni Cong. Teves.
Nangako naman si Sen. Dela Rosa na hahanapan ng paraan ng kanyang komite na matigil ang ganitong sistema ng ‘culture of impunity’ at ‘reign of terror’ mula sa mga pulitikong gumagawa ng karahasan at maging ang korte ay kontrolado nila.