Pangulong Marcos: Walang banta sa buhay ni Teves (Latest Sabong News)
Author
Gemma Garcia
Date
MARCH 23 2023
MANILA, Philippines — Dahil wala namang banta sa buhay kaya pinapauwi na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Negros Oriental Congressman Arnie Teves.
Si Teves ay sinasabing sangkot sa pagpatay kay Governor Roel Degamo nitong Marso 4.
Sa ambush interview kay Pangulong Marcos sa ika-126 Founding Anniversary ng Philippine Army sa Fort Bonifacio sa Taguig City, sinabi nito na mayaman naman si Teves at mayroong private jet.
Kaya bahala na si Teves na mamili kung saang airbase gustong mag-landing at papalibutan na lang ito ng mga sundalo at walang makakalapit sa kanya ng isang kilometro para lang masiguro ang kanyang kaligtasan.
Matatandaan na sinabi ni Teves na may banta sa kanyang seguridad kung kaya nag-aalangan siyang umuwi ng bansa.
“So we have made all fo these offers pero hindi pa siya nagde-decide. The only advice I can only give to Cong. Arnie is that habang tumatagal ito mas nagiging mahirap ang sitwasyon mo. Mas maaga kang makauwi mas marami pang option ang mangyayari. Pero pagka masyado nang late, wala na, mapipilitan ang gobyerno, we will have to move without any discussions with him,” ayon pa kay Marcos.
Pinabulaanan din ng Pangulo ang pahayag ni Teves na may kumpas ng Malakanyang ang kanyang kaso at may kinalaman ang operasyon ng e-sabong.
“Well I have no direct contact with him. Ang nakakausap niya is the Speaker dahil iyon ang Speaker niya, he is the leader of the House. Ganoon pa rin ang sinasabi niya may banta raw sa buhay niya. Kami naman sa intelligence, the best intelligence we have, we don’t know of any threat. Saan manggagaling ‘yung threat? but anyway to reassure him, we will provide all kinds of security kung ano ang gusto mo,” pahayag pa ng Pangulo.