Websites ng e-sabong, binabaklas ng PNP! (Latest Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
FEBRUARY 14 2023
WALANG puknat ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) kontra sa e-sabong subalit nahihirapan silang baklasin ang mga websites nito. Inamin ni Anti-Cybercrime Group director Brig. Gen. Joel Doria na kahit sangkatutak na websites na ang na-block nila, abayyyy pagkalingat nila may bago na namang website na itinatatag. Matitigas talaga ang ulo nitong mga financiers ng e-sabong, no mga kosa? Sobang laki ng kita kasi. Kaya lang, ‘di talaga sila tatantanan ni President Bongbong Marcos hanggang hindi magkaroon ng linaw itong kaso ng 34 missing sabungeros.
Kaya sa ngayon, tahimik ang kampo nina gambling lords na Charlie “Atong” Ang at Bong Pineda habang mainit pa si BBM sa palaro nila. Get’s n’yo mga kosa? Eh di wow! Hehehe! Ang huling balita ay magbubukas ang e-sabong sa Marso 4 subalit tinadyakan ng PAGCOR ang permit applications nila. Dipugaaaaa! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sinabi ni Doria na nagsagawa ang kanyang opisina ng 234 cyberpatrolling ng nakaraang linggo kontra sa e-sabong at aabot sa 119 websites ang na-block nila. Na delete nila ang 79 accounts at natagpuan pa ang 35 na inactive websites. Subalit ipinaliwanag ni Doria na mura lang ang pagpagawa ng websites.
“So, we will beexpecting may mga bago na naman website na lulutang diyan but still weare closely monitoring and rest assured we are in close coordination with theDICT an NTC para sa take down na mga ito,” ani Doria sa press briefing sa Camp Crame.
Kung sabagay, wala pa namang bansa sa buong mundo na nakakakontrol ng cyber space, di ba mga kosa? Mismooooo! Hehehe! Hindi lang naman ang ACG ang mainit kontra e-sabong kundi maging si NCRPO chief Maj. Gen. Jonnel “Esto” Estomo. Dipugaaaaa! Kailan kaya permanenteng matuldukan itong e-sabong na naging ugat sa kamatayan at paghihirap ng mga Pinoy, lalo na ang overseas Filipino workers (OFWs)?
Hindi lang naman e-sabong ang nilalansag ng ACG ni Doria kundi maging ang mga online scammers. Subalit malaki ang paniniwala ni Doria na ang kampanya ng gobyerno ni BBM na SIM cards registration ay malaki ang maitutulong para masawata ang raket sa online. Eh di wow! Bago pumaso ang SIM registration, napuna ni Doria na nagdo-double time din ang mga scammers kasi kapag naipatupad na itong programa ay mapapadali na ang paghuli sa kanila. Tumpak!
Tuso rin ang ibang scammers dahil pagkatapos ng isang tsansaction, kadalasan tinatapon nila ang SIM card para hindi sila ma-trace at mahuli, ani Doria. Nanawagan si Doria sa mga money service providers, tulad ng Gcash, na maglagay ng safety measures para hindi sila magamit ng mga scammers. Abangan!