Sentensiyador sa sabong dedo sa tari (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
MARCH 13 2018
MANILA, Philippines — Tila isang kabaligtaran ang nangyari sa isang sentensiyador sa sabong makaraang masawi ito dahil sa walang humpay na pagtagas ng dugo matapos na aksidenteng makarit ng tari ng isang panabong naganap sa Super Sport Arena kaugnay ng pagdaraos ng piyesta sa Brgy. Luz, Gutalac, Zambonga del Norte kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Dante Apigue, 40-anyos.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 9, nangyari ang insidente sa nasabing arena sa bayang ito dakong alas-7:20 ng hapon habang ginaganap ang salpukan ng mga pang-derby na sasabunging manok.
Sa isang laban, makaraang maglaban ang dalawang sasabungin ay nilapitan ng biktima ang isa dalawang panabong at itinaas ito upang malaman kung lalaban pa ito.
Gayunman, biglang sumugod ang kalaban nitong sasabunging manok at tinamaan ng karit sa hita ang biktima.
Nagawa pang maisugod sa Liloy District Hospital ang biktima pero idineklara na itong dead-on-arrival dahilan sa dami ng dugo na nawala sa kaniyang katawan.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.