2 ex-pulis dawit sa pagdukot sa e-sabong agent, sumuko (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
JANUARY 22 2023
MANILA, Philippines — Sumuko na sa tanggapan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang dalawang na-dismiss na pulis na itinurong sangkot sa pagdukot noong 2021 sa e-sabong master agent sa Southern Tagalog, ayon sa opisyal nitong Sabado.
Kinilala ni PNP-IMEG Director P/Brig. Gen. Warren de Leon ang dalawang nagsisuko na sina P/Staff Sgt. Daryl Paghangaan at Pat Rigel Brosas.
Sina Paghangaan at Brosas ay sangkot sa pagdukot sa isang e-sabong master agent na si Ricardo Lasco sa tahanan nito sa Laguna noong Agosto 2021,
matapos silang magpanggap na miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni de Leon na unang sumurender sa PNP-IMEG team Region IV-A si Brosas bandang alas-2:45 ng hapon nitong Biyernes at sumunod naman si Paghangaan dakong alas-7:50 ng gabi ng nasabi ring araw.
Ayon kay de Leon, ang dalawa ay kabilang sa tatlong pulis na may warrant of arrest na inisyu ni Luvida Padolina Roque, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC)-Branch 29 sa San Pablo City, Laguna noong Enero 17, 2023 kaugnay ng kasong kidnapping, serious illegal detention at robbery with violence.
Itinakda ng korte ang P400,000 piyansa bawat isa sa kasong robbery with violence sa mga akusado habang walang piyansa para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Pinaghahanap pa ang kasamahan ng dalawa na si Patrolman Roy Navaret na na-indict na rin ng Department of Justice (DOJ) sa kaso.