2 ex-cops, dawit sa pagkidnap sa e-sabong agent, sumuko (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
JANUARY 22 2023
MANILA, Philippines — Sumuko na sa tanggapan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang dalawang nadismis na pulis na itinurong sangkot sa pagdukot sa e-sabong master agent noong 2021 sa Southern Tagalog, ayon sa opisyal nitong Sabado.
Kinilala ni PNP-IMEG Director P/Brig. Gen. Warren de Leon ang dalawang sumuko na sina P/Staff Sgt. Daryl Paghangaan at Patrolman Rigel Brosas.
Sinabi ni de Leon na unang sumurender sa PNP-IMEG Team Region IV A si Brosas bandang alas-2:45 ng hapon nitong Biyernes at sumunod naman si Paghangaan dakong alas-7:50 ng gabi ng nasabi ring araw.
Binanggit pa nito, na ang dalawa ay kabilang sa tatlong pulis na may warrant of arrest na inisyu ni Hon. Luvida Padolina Roque, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC ) Branch 29, San Pablo City, Laguna noong Enero 17, 2023 kaugnay ng kasong kidnapping at serious illegal detention at robbery with violence.
Samantalang itinakda naman ng korte ang piyansang P400,000 bawat isa sa kasong robbery with violence, habang wala namang piyansa sa kidnapping and serious illegal detention laban sa mga ito.
“After series of negotiations, our Team IVA have convinced these two former PNP personnel to surrender and already stop putting the image of the PNP in a bad light”, ayon kay de Leon.
Ayon sa imbestigasyon ang mga suspect ay sangkot sa pagdukot sa isang e-sabong master agent na si Ricardo Lasco, na inaresto ng mga pulis na nagpanggap na miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tahanan nito sa Laguna noong Agosto 2021.
Samantalang positibo namang kinilala ng misis, hipag at biyenan ng biktimang sabungero at ng pinsan nito ang mga suspect.
“The PNP is very serious and concerned with ensuring that the Filipino people gets the kind of service they can trust and depend. Mahirap ngunit walang imposible sa organisasyong nagkakaisa”, dagdag pa ng opisyal.
Patuloy namang pinaghahanap ang isa pang nadismis na pulis na si Patrolman Roy Navarete na na-indict na rin ng Department of Justice (DOJ) sa kaso.