Online sabong pinapatigil sa SC (Latest Sabong News)
Author
Doris Borja
Date
FEBRUARY 22 2017
MANILA, Philippines - Bunsod ng umano’y pagkalugi ng pamahalaan ng milyong halaga, pinatitigil sa Korte Suprema ng isang non-government organization (NGO) ang online sabong sa lahat ng Off-Track Betting (OTB) stations sa bansa.
Sa inihaing petition for mandamus and prohibition, hiniling ng Liga ng Eksplosibong Pagbabago Inc. (LEPI) sa Supreme Court na atasan nito ang Philippine Racing Commission (Philracom) na agarang maglabas ng direktiba sa mga OTBs na ipatigil ang pagpapataya sa online sabong, na naglalagay anila sa panganib sa horseracing industry sa bansa.
Ayon sa tagapagsalita ang LEPI na si Leon Peralta, bilang regulatory board, may kapangyarihan ang Philracom na ipatigil ang online sabong sa mga OTBs, ngunit walang ginagawang aksyon ang ahensya hinggil dito.
Ipinaliwanag ni Peralta na halos 90 percent ng horseracing revenues ay mula sa OTBs, kaya’t malaki ang impact nang pagbibigay ng pahintulot sa online sabong sa mga betting outlets, na dapat sana’y eksklusibo lamang sa horseracing.
Sa pagtaya ng grupo, aabot sa P350 milyon kada taon ang nawawala sa pamahalaan dahil sa online sabong.