Sabungan sa Maynila hinagisan ng Granada (Latest Sabong News)
Author
Danilo Garcia
Date
JANUARY 29 2022
MANILA, Philippines — Hinagisan ng granada ng riding-in-tandem suspects ang isang sabungan sa Sta. Ana, Maynila nitong Huwebes ng gabi na masuwerteng hindi sumabog.
Sa ulat ng Sta. Ana Police Station, dakong alas-6:02 ng gabi nang maganap ang insidente.
Kita sa CCTV camera ang pagdating ng dalawang lalaki sakay ng isang motorsiklo at bumagal sa tapat ng Manila Arena sa may New Panaderos St., Sta. Ana.
Dito biglang inihagis ng angkas ang granada. Tinangka pa silang habulin ng security guard na si Mark Joseph Parajes, 29, ngunit humarurot na palayo ang mga salarin.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng MPD-Explosive and Ordnance Division (EOD) at nagawang disarmahan ang granada. Nasa pangangalaga na nila ang naturang ebidensya.
Blangko naman ang mga imbestigador sa motibo ng mga salarin. Posible umanong pananakot lamang ito dahil sa hindi pinasabog ang granada o kaya naman ay nataranta ang naghagis.
Hindi naman batid kung may kaugnayan ang insidente sa pagkawala ng anim na sabungero sa naturang sabungan noong nakaraang linggo.
Nabatid na nawawala sina John Claude Inonog, Marlon Baccay, James Baccay, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum at Rowel Gomez.
Itinuturing ng pulisya na ‘person of interest’ ang financier ng grupo na si Julius Jovillo habang nakikitang anggulo sa pagkawala nila ay ‘game fixing’.