EDITORYAL - Ang salot na e-sabong (Latest Sabong News)
KUMILOS na si President Ferdinand Marcos Jr. sa electronic cockfighting o e-sabong. Maraming nag-akala na hindi gagawa ng aksiyon ang president sa salot na sugal pero ngayon, nag-utos siya na hulihin at parusahan ang lalabag sa kanyang inilabas na Executive Order No. 9 na nagpapatuloy sa suspension ng e-sabong. Sinuspende ni dating President Duterte ang e-sabong noong Mayo. At sa kabila na suspendido, marami pa rin ang nag-ooperate. Nang maupo si Marcos noong Hunyo 30, 2022, kataka-taka namang nagbalik ang operasyon ng e-sabong. Para bang may nagbigay ng basbas sa salot na sugal para mamayagpag muli. Tila may maimpluwensiyang kamay na kumukumpas para ituloy ang e-sabong.
Sinuspende ang e-sabong dahil sa masamang dulot sa buhay ng mga Pilipino kung saan marami ang gumagawa nang masama para matustusan ang bisyo. Dahil sa pagkalulong dito, may ina na ibinenta ang kanyang sanggol para lamang may maitaya sa e-sabong. Isang pulis ang nagnakaw sa isang hardware store para mabayaran ang malaking pagkakautang sa e-sabong. Maraming OFWs ang umuwi sa bansa na baon sa utang dahil sa pagkatalo sa e-sabong.
Marami ring kabataan ang nahuhumaling sa sugal na ito sapagkat madali lang tumaya gamit ang cell phone. Napakadalingmaglaro at bago nila malaman, ubos na ang kanilang pera at magagawa nilang nakawan ang sariling magulang.
Sa inilabas na EO No. 9 ni Marcos, inaasahang tuluyan nang mahihinto ang e-sabong. Wala nang magtatangka para suwayin sapakat mahaharap sila sa parusa.
Sakop ng EO ang suspensyon sa live streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockfighting arenas na pinagdarausan ng sabong. Bawal din ang online/remote, o off-cockpit wagering/betting sa live cockfighting matches.
Inatasan ni Marcos angPAGCOR na makipag-coordinate salocal government units at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa pagpapatupad ng EO No. 9. Binigyan din niya ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang kautusan at dakpin ang sinumang lalabag.
Ngayong may direktiba na sa e-sabong, ang mahusay, seryoso at maigting na pagpapatupad na lamang ng DILG at PNP ang kailangan para lubusang mawala ang salot na sugal. Tuparin ang utos at siguruhing wala nang makalulusot.