EDITORYAL - Dami pang wawasakin ng online sabong (Latest Sabong News)
BELIEVE it or not pero ngayon lang yata may bansa na mas pinapaboran ang pamamayagpag ng sugal para magkaroon ng revenues ang pamahalaan. Saan naman nakakita na basta nag-aakyat ng pera sa kaban ng bayan, papayagan nang mag-operate – kahit pasugalan. At okey lang na may malulong sa sugal basta nagbabayad ng bilyong buwis ang establisimento. Kung ganito ang patakaran, bakit hindi na rin patawan ng buwis ang drug syndicates para malaki ang iaakyat na buwis sa bansa. Patawan na rin ng buwis ang mga nasa white slavery business para lalong sumagana ang bansa sa dami ng iaakyat na buwis.
Tila ganito ang ibig mangyari ng pamahalaan dahil sa hayagang pagtutol ni Pres. Rodrigo Duterte na itigil ang operasyon ng online sabong. Sabi ng presidente sa kanyang mensahe sa publiko noong Miyerkules na bilyong piso ang kinikita ng gobyerno sa online sabong. Sabi niya, kailangan ng gobyerno ang revenue mula sa online sabong.
Nanawagan siya sa mga mambabatas na huwag na lang pansinin ang e-sabong dahil kumikita at nakikinabang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Malalaking players umano ang naglalaro sa online sabong.
Noong nakaraang buwan, nagpatawag ng hearing ang Senado na pinamumunuan ni Sen. Ronald dela Rosa at nagkaroon ng resolusyon para sa suspensiyon ng e-sabong. Ang suspensiyon ay nag-ugat sa misteryosong pagkawala ng 31 sabungeros. Kasama sa ipinatawag ng Senado ang PAGCOR. Sinabi ni Dela Rosa na tumango na ang presidente para itigil ang e-sabong. Pero noong isang araw, inamin ni Dela Rosa na nagkamali siya dahil hindi pala ganun ang ibig sabihin ng presidente.
Habang pinangangalandakan ng presidente na malalaking players lang ang nag-o-online sabong, isang babae ang lumutang at sinabing binenta niya ang kanyang sanggol ng P45,000 para mabayaran ang malaking pagkakautang sa e-sabong. Gusto na raw niyang mabawi ang sangggol.
May OFW na nalulong sa e-sabong at naipatalo ang kanyang separation pay. May mga karaniwang manggagawa na ang kahit pambili nila ng bigas para sa kanyang pamilya ay itinataya sa e-sabong at naipatalo ito.
Ngayong ang Presidente na mismo ang nagsabi na malaki ang kinikita ng gobyerno sa buwis na nakukuha sa online sabong, tiyak na marami pa ang magkakalakas ng loob na ipagpatuloy ang iba’t ibang sugal sa bansa. At tiyak din na marami pang mawawasak na kinabukasan dahil sa pagkagumon sa sugal.