Atong Ang, tinalakan ang mga pulitiko na kontra sa e-sabong! (Latest Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
JANUARY 12 2022
HINDI lang pala galit sa kanyang karibal sa negosyo ang pilantropong si Charlie “Atong” Ang kundi maging sa mga pulitiko. Kung nilait ni Ang ang kanyang karibal sa social media, dinamay din niya ang mga pulitiko na wala rin umanong ginawa kundi siraan ang e-sabong at online sabong niya. Subalit hindi pinangalanan ni Ang ang tinutukoy n’yang pulitiko kaya lang iginiit n’yang wala namang iniambag ang mga ito para tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Odette.
Matatandaan na ang lisensiya ni Ang sa e-sabong sa loob ng 25 years ay pumasa na sa Kongreso at ipinasa na ito sa Senado. Unang tumutol sa e-sabong ay ang Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson at katandem na si Tito Sotto. Sinabayan din sila ni Senatorial aspirant ex-PNP chief Guillermo Eleazar na natanto ang delubyong dulot ng e-sabong sa mga Pinoy, lalo na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nilimas ng sugal ang kanilang kinita. Araguuyyyyy! Hihihi!
Kapag nanalo sina Bongbong Marcos at Ping Lacson may kalalagyan itong e-sabong ni Ang, na ang balita ay suportado si Aksiyon Demokratiko standard bearer, Manila Mayor Francisco Domagoso. Mismooooo!
Tiniyak ni Ang na itong mga pulitiko na naninira sa kanyang negosyo ay naririnig ang ginagawa niyang tulong hindi lang sa biktima ng bagyong Odette kundi maging iba pang delubyo at sakuna na dumating sa Pinas. “Narinig n’yo na kung ano ang motibo natin na tumulong sa tao. Wala akong pakialam maski maubos ang pera namin dito,” ani Ang, na ang balita ay naglabas na ng P80 milyon para sa nasalanta ng bagyong Odette. Iginigiit ni Ang, na may-ari ngAA Lucky8 Pitmaster Live, na ang tinitingnan ng mga pulitiko ay ang maliit na kasalanan nila –ang sugal – subalit malaki naman ang naitulong sa kapwa-Pinoy. Dipugaaaaa!
Pinangaralan ni Ang ang kanyang mga parukyano na dapat ang pagsugal ay moderate lang dahil kapag sugapa ka na ay sobra na.“Eh talaga naman ang sugal ay hindi mo maiiwasan ‘yan e. Lahat ng moderate ayos. Lahat ng sobra masama,” aniya. Mismooooo! Hihihi! May punto ba rito si Ang di ba mga kosa kong adik sa online at e-sabong? Dipugaaaaa!
Kinantiyawan pa ni Ang ang mga pulitiko na puro lang ngawa. “Kayong mga pulitiko naman puro sinasabi n’yo plataporma. Mananalo kayo tatakbo uli kayo plataporma. Bakit hindi n’yo ilatag ‘yung mga nagawa n’yo. ‘Yung mga nagawa n’yo ang ilabas hindi plataporma,” ayon pa kay Ang. Idinagdag pa ni Ang na napakalinis ng intention ng kompanya nila ng kanyang pamilya at nanawagan siya na tingnan naman ng mga pulitiko ang magandang side nito. Hihihi! Dapat ikuwento rin ni Ang kung may magandang idinulot ang sugal sa mga Pinoy!
Tinawag din ni Ang na mga ipokrito ang mga pulitiko at hinamon niya ang mga ito na ilahad kung ano ang ginawa nila para makatulong sa mga Pinoy. Ipinagmalaki ni Ang na ang Pitmaster Foundation niya ay nagpapakain at nagpapagamot ng mga Pinoy samantalang ang mga pulitko ay gagawa ng batas na hindi naman sinusunod. Dipugaaaaa! Hihihi! Makakatulong kaya sa negosyo niya itong pambu-bully ni Ang sa mga pulitiko? Abangan!