6 sangkot sa 6 missing sabungeros, kinasuhan (Latest Sabong News)
Author
Danilo Garcia
Date
DECEMBER 24 2022
MANILA, Philippines — Sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng kasong illegal detention ang anim na indibidwal na sangkot sa pagkawala ng anim na sabungero noong nakaraang Enero.
Sa resolusyong inilabas nitong Disyembre 22, nakitaan ng probable cause para sampahan ng kaso ang farm manager na si Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano Jr.
Isasampa ang kaso sa Manila City Regional Trial Court at isusumite dito ang lahat ng impormasyon na nakalap ng DOJ panel.
Itinuturo sila na sangkot sa sabwatan sa pagdukot sa mga biktimang sina John Claude Inonog, James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco at Rowel Gomez noong Enero 13.
Nabatid na umalis sa Tanay, Rizal ng naturang petsa ang mga sabungero dakong ala-1 ng hapon at nagtungo sa Manila Arena. Dakong alas-7:30 ng gabi nang puwersahan silang isakay ng isang grupo ng lalaki sa isang gray na van at hindi na nakitang muli.
Itinanggi ng mga akusado ang kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero. Ngunit ikinatwiran ng DOJ panel na binigyan nila ng kunsiderasyon ang positibong pagkilala sa kanila at testimonya ng mga saksi.