Paskong puno ng tensiyon (Latest Sabong News)
Author
Kokoy Alano
Date
DECEMBER 23 2022
MAGPAPASKO ang karamihan na ang tanging inaasahan ay maging mapayapa ang kapaligiran, ligtas sa kapahamakan at karamdaman kahit gipit sa pananalapi.
Sinaniban ang bansa natin ng masalimuot na taong 2022 dahil sa eleksiyon na lumikha nang maraming negatibong isyu. Sumabay pa ang pagkakapaslang kay Percy Lapid na lumikha ng tensiyon sa pamunuan ni BuCor chief Gerald Bantag at DOJ Sec. Crispin Remulla.
Naging masigasig na muli ang sindikato ng droga na ang mga nasasangkot ay mga alagad ng batas pa mismo. Nakakapanlumo at nakababahala ang ganitong sitwasyon dahil wala nang masulingan ang mamamayan kung saan huhugot ng kapayapaan.
Nanggugulo pa rin ang mga maka-kaliwang grupo na walang inatupag kundi gumawa ng eksena na ikasasama ng bagong administrasyon. Namatay na si Jose Maria Sison na founder ng CPP-NPA kamakailan lang pero hindi pa rin maialis sa isipan ng mamamayan kung anong mga maintrigang mga hakbang ang kanilang isasabog sa komunidad.
Ang sugal na sabong on-line ay umaarangkada na naman at maging ang mga sugal kalsada ay nambubulabog na namang muli. Kilala naman natin kung sinu-sino ang pasimuno ng mga ganitong kalakaran pero anong magagawa natin kung pinahihintulutan naman ng gobyerno. Tama ba Mang Atong?
Ang kagipitan ng bawat mamamayan ay madaling silawin ng mga ilegal na pagkakakitaan, pero ang ganitong mga gawain ay may kakambal na signos na maaring pagsisihan sa bandang huli. Sa mga kaibigan nating pulis, bawal ang mamasko nang sapilitan!
Maligayang Pasko sa lahat!