Lotlot, ayaw pa ring tantanan ng Noranians (Latest Sabong News)
Author
Ed de Leon
Date
JANUARY 17 2022
Ano nga ba ang karapatan ng fans ni Nora Aunor na taray-tarayan at sumbatan si Lotlot de Leon dahil lamang sa absent ito sa reunion ng kanilang idolo at lahat ng iba pa nitong adopted kids.
Kung si Nora mismo, wala ngang sinasabi kahit hindi sumipot si Lotlot, bakit kailangang manggalaiti ang fans?
Naroroon pa ang sumbat na kung si Lotlot daw ay hindi inampon ni Nora, makakaabot raw ba iyon sa katayuan niya ngayon sa buhay?
Para bang sinasabing ang kapalaran ni Lotlot ay dahil lamang kay Nora. Pero paano naman kung ang nakaampon ka Lotlot ay nabigyan din siya ng magandang kinabukasan, maaaring hindi nga siya artista pero masasabi ba ninyo na imposible ring sa panahon ngayon ay may sarili na siyang kumpanya?
Galit na galit din sila, dahil mas binibigyang halaga raw ni Lotlot si Boyet ganoong hindi naman iyon ang umampon sa kanya kundi si Nora.
Pero nakalimutan nila na legally si Lotlot ay ampon ni Boyet dahil ginagamit noon ang apelyido ng kinikilala niyang ama. In fact may legal question nga riyan. Ang anak lang talaga ni Nora kay Boyet ay si Ian, pero ang lahat ng mga ampon niya, isinunod niya ang pangalan kay Boyet kahit na noong panahong hiwalay na sila.
Pero totoo, may utang na loob din naman si Lotlot kay Nora at hindi naman iyon itinatanggi ng aktres. Pero tandaan ninyo, may mahabang panahon na nasa abroad si Nora, hindi siya nakauwi sa Pilipinas dahil sa isang kinakaharap na kaso, at si Lotlot ang nagtaguyod sa iba pang mga inampon ni Nora.
Pero ang punto, personal na buhay na nila iyan. Wala tayong pakialam kung sila man ay nagkaroon ng samaan ng loob. Wala rin naman tayong pakialam kung kailan sila magpapatawaran. Darating din naman siguro ang panahon na magkakasundo sila, at hindi natin kailangang pakialaman iyon.
Minsan talaga, may mga taong sumusobra ang concern sa mga bagay na hindi naman nila dapat pinanghihimasukan.
Aywan kung bakit nga ba sinasabi nilang ang ginagawang mga pelikula para sa Vivamax ay puro sex movies. In fact pati ang mga artista nila ay natatanong na tungkol sa mga bagay na iyon.
Sinagot iyan ng director na si Brillante Mendoza na ang pelikulang Sisid ay ilalabas din sa Vivamax, na ‘yan naman daw mga pelikulang may sex, pero ganyan ang hinahanap ng audience.
Ang Vivamax, kagaya rin ng ibang internet streaming sites ay hindi dumadaan sa classification ng MTRCB.
Kung sabagay, maski na sa abroad, may mga sinehan noong araw, at ngayon mga internet site naman na naglalabas ng sex movies, dahil may mahilig naman talaga sa ganoon.
Kahit na nga wala pa ang mga internet streaming na iyan, sinasabing ang mga Pilipino ang siyang pinakamarami at pinakamatagal na nanonood sa Pornhub ng Canada sa araw-araw.
Ibig sabihin wala mang local channel, pupunta sila sa foreign porn sites.
Ngayon, nasa atin na iyan. Hindi lang porno mayroon sa internet. Nariyan din ang sugal kagaya ng games at E-Sabong. Nariyan din ang “dating sites” na walang dudang prostitusyon.
Kung lilinisin nila iyan, maraming dapat unahin kaysa sa nagpapalabas ng pelikulang sexy.
Nagulat kami sa mga kuwento ng isang self confessed “escort boy,” na ipinakilala sa amin ng isa naming source. May mga actor na binanggit niya na hindi namin akalaing green blooded din pala, pero may ebidensiya siya eh. May pictures siya sa kanyang cell phone na “together” sila. Pero ang pinakamatindi iyong picture nilang dalawa ni direk.
Kung magsalita kasi si direk, napakatino. Iyon pala marami rin siyang itinatagong milagro sa buhay.
Kung sabagay natsismis na rin iyang si direk noong araw na pati pambayad sa renta ng bahay ay ibinigay niya sa isang male star na naka-date niya. Kaya ang ending pinagbabato siya ng pinggan ng ka-live in niya.