24 huli sa illegal gambling sa Quezon (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
MAY 22 2022
MANILA, Philippines — Dalawampu’t apat na katao ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa pinaigting na kampanya laban sa illegal gambling sa lalawigan ng Quezon.
Batay sa report ni P/Col. Joel Villanueva, Quezon Provincial Police director, lima na naaktuhang nagtutupada sa Brgy. Casuguran, Jomalig.
Sa Sitio Rucudo, Brgy. Talisay, San Andres, dalawa ang huli sa aktong nagsasabong at nakumpiskang tatlong patay ng panabong na manok kasama ang tayang P1,400 habang sa Brgy. Buenavista, Mulanay, isa pang suspek ang arestado dahil din sa tupada.
Lima naman ang nasakote sa Sitio Libis Brgy. Anoling, Gen. Nakar dahil sa sugal na Bingo at nakumpiska ang mga Bingo cards, Bulilyo at taya na P400.
Dahil sa Tong-its, sa Brgy. Luctob, Macalelon, tatlo ang arestado at isang set ng playing card at tayang P180 ang nakumpiska habang sa Sitio Mag-asawang Bato, Brgy. Nasalaan San Francisco, dalawa ang naaktuhang nagtotong-its at nakumpiskahan ng mga gambling paraphernalias.
Nasakote rin ang anim pa dahil sa Tong-its at nakumpiska ang mga playing cards at perang pantaya sa magkakahiwalay na operasyon sa Brgy. Bigo, Pagbilao, at Brgy. Iba Kalilayan, Unisan.