Pustahan sa No. 2 sa presidential race, nagkasahan na! (Latest Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
JANUARY 28 2022
TABI muna online sabong at e-sabong. May bagong pinagkakaguluhang pinagpupustahan sa ngayon ang mga Pinoy na adik sa sugal at ang magkatunggali ay mga manok din nila. Subalit hindi ito sabong ng dalawang manok mga kosa kundi pulitika at ang labanan ay sa pagka-presidente. Hihihi! At ang malungkot nito, hindi ang mananalo sa pagka-presidente ang pinagpustahan kundi kung sino ang magiging No. 2. Araguuyyyyy! Sinabi ng mga kosa ko na ang pustahan sa ngayon ng mga sugarol ay umabot na sa milyones. Totoo kaya ito?
Ayon sa kosa kong adik sa online sabong, kapana-panabik din itong “talpakan” sa No. 2 sa presidential race. May tumataya kay VP Leni Robredo, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Francisco Domagoso at Sen. Ping Lacson. Hak hak hak! Matagal pa ang May elections kaya maaaring lumaki pa ang pustahan dito sa pagka-No. 2 sa presidential race, di ba mga kosa? Mismooooo! Dipugaaaaa!
May katwiran naman ang mga sugarol na ang No. 2 sa presidential race ang gagawing pustahan dahil sa sobrang layo ng agwat ni presidential aspirant Bongbong Marcos sa mga katunggali niya. ‘Yan ay kahit kaliwa’t kanan pa ang bato ng mga tinatawag na Dilawan ng baho kay BBM.“BBM na iyan, wala nang iba. Kaya para hindi maging boring ang eleksiyon, pinagpupustahan na lang namin kung sino ang magiging Number 2,” ayon sa isang businessman na aminadong nabawasan ang pagpunta sa casino dahil sa pandemic.
Matatandaan na sa nakalipas na mga survey, malayo ang agwat ni BBM sa lahat ng presidentiables, di ba mga kosa? Si BBM ay 53% sa Pulse Asia; 51.90% sa Publicus; 54% sa Octa; SWS, 47%; DZRH, 49.20%, RMN, 55%; at kahit sa Kalye Survey ay 68.5%. Samantalang ang papalit-palit na No. 2 na sina VP Leni at Mayor Domagoso ay naghihikahos na makakuha ng 19 percent man lamang. Get’s n’yo mga kosa? Hak hak hak! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Dipugaaaaa!
Kaya naman ang No. 2 lang sa presidential race ang pinagpustahan ay dahil dikit-dikit lang ang survey rating nina VP Leni, Mayor Domagoso at Sen’s. Pacquiao at Lacson. “Tingnan n’yo ang survey, ang layo ng lamang sa kanila ni BBM. Pero sa number 2 na puwesto, magkakadikit sila at close fight kaya exciting ang pustahang ito para sa Number 2,” ang wika ng kosa kong mahilig sa karera ng kabayo.“Ang pusta ko ay kay Domagoso. Kahit plus one million votes pa si Leni, si Yorme ang magiging Number 2,” sabi ng isang bank manager.
Isang pulitiko naman sa Central Luzon ang nagsabing ang manok niya ay si VP Leni. “Basta plus three million votes ako. Ang pustahan namin ay P500,000. Malay mo makasilat si Leni, eh di may kalahating milyon ako,” aniya.“Mapa-small time, mapa-bigtime, patok ang pustahang ito. Isipin n’yo ngayon lang may pustahan kung sino ang magiging pang-number 2 sa pagka-presidente! Mas exciting pa ito sa ending sa basketball,” sabi ng isang call center agent.
Kumbaga sa Olympics, sure gold medal winner na itong si BBM at ang pinaglalabanan na lang sa Mayo ay ang silver medal o No. 2, di ba mga kosa? Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Abangan!