5 parak na sangkot sa missing e-sabong agent, tinanggal sa serbisyo (Latest Sabong News)
Author
Doris Franche-Borja
Date
DECEMBER 21 2022
MANILA, Philippines — Limang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na umano’y sangkot sa pagkawala ng e-sabong agent na si Ricardo Lasco sa Laguna, noong 2021 ang inalis na sa serbisyo.
Kinilala ang mga pulis na sina Police Staff Sgt. Daryl Panghangaan, Patrolman Roy Navarette at Patrolman Rigel Brosas na una nang nakitaan ng probable cause ng Department of Justice (DOJ) para sa kasong robbery at kidnapping.
Lusot man sa kasong kriminal, sibak din sa serbisyo sina Police Lieutenant Henry Sasaluya at Police Master Sergeant Michael Claveria.
Sinabini Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na ang pagsibak sa limang pulis ay kasunod ng paglagda ni PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa rekomendasyon ng Internal Affairs Service na alisin sa serbisyo dahil sa grave misconduct ang mga ito.
“Once ma-receive nila ‘yung official copy ng kanilang dismissal order then the PNP will let go of them dahil wala na rin jurisdiction ang PNP sa kanila. Kailangan na lang po talaga maipa-receive sa kanila officially para at least they will be given the opportunity, as part of due process to appeal ‘yung recommended penalty sa kanila”, ani Fajardo.
Nabatid na nasa restrictive custody na ang 5 mga pulis sa tanggapan ng Police Regional Office 4A.
Inaasahan naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasampa ng kaso laban kina Panghangaan, Navarrete at Brosas.
Nabatid na ikinonsidera ngstate prosecutors ang lahat ng testimonya ng mga saksi maging ang closed circuit television (CCTV) footage kung saan kita ang pagdukot at pagbitbit kay Lasco.
Ang mga pulis ay positibongkinilala ng mga saksi nang pumasok at magpakilalang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsisilbi ng arrest warant sa kasong large scale estafa kay Lasco noong Agosto 30, 2021 sa Brgy. San Lucas 1, San Pablo City Laguna.