3 pulis sa nawawalang e-sabong agent, kakasuhan (Latest Sabong News)
Author
Danilo Garcia
Date
DECEMBER 20 2022
MANILA, Philippines — Nakatakdang sampahan na ng kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong pulis na itinuturong sangkot sa pagkawala ng isang ahente ng e-sabong noong 2021.
Sasampahan ng kasong robbery at kidnapping sa San Pablo City Regional Trial Court ang mga suspek na sina Police Staff Sgt. Daryl Panghangaan, Patrolmans Roy Navarette at Rigel Brosas.
Itinuturo silang sangkot sa pagdukot sa biktimang si Ricardo Lasco mula sa kaniyang bahay sa Brgy. San Lucas sa San Pablo City noong Agosto 30, 2021.
“During the preliminary investigation, the Investigating panel finds probable cause against respondents Paghangaan, Navarete, and Brosas for robbery and kidnapping of Lasco,” pahayag ng DOJ.
Nakilala umano ang tatlo ng mga complainants.
Ayon sa mga kaanak ni Lasco, inaresto umano ang kanilang kaanak dahil sa ‘large scal estafa’ at nagpakilala ang mga suspek na mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI). Tinangay pa umano ng mga suspek ang ilang mahahalagang gamit nila.
Kabilang din sa tinukoy na sangkot sina Police Lieutenant Henry Sasaluya, Police Master Sergeant Michael Claveria at ilang John Does, ngunit nadismis ang kaso laban sa kanila dahil sa kakulangan ng ‘probable cause’.