Manileño, Global Remit kinumpleto ang semis (Latest Sabong News)
Author
John Bryan Ulanday
Date
DECEMBER 02 2021
MANILA, Philippines — Kinumpleto ng VNS Manileño Spikers at Global Remit ang semifinals cast sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League men’s tournament matapos ang magkahiwalay na panalo sa huling araw ng eliminasyon kahapon sa Aquamarine Recreational Center Gym sa Lipa, Batangas.
Dinaig ng Manileño (1-1) ang Basilan Steel Spikers, 25-17, 25-22, 25-23, para masikwat ang segunda puwesto sa Pool A at maitakda ang semis clash kontra sa Team Dasma Monarchs (3-0) na nanguna sa Pool B.
Umiskor din ng malaking 25-21, 25-19, 25-23 tagumpay ang Global Remit (1-2) kontra sa MRT-Negros upang maselyuhan ang No. 2 spot sa Pool B.
Makakalaban ng Global Remit sa semis ang Pool A top-seed na Go For Gold-Air Force (2-0).
Humataw sina John Benedict San Andres at Rwenzmel Taguibolos ng 13 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod, para trangkuhan ang Manileño (1-1).
“Do-or-die game ito para sa amin kaya nag-stick lang kami sa system,” ani Manileño coach Ralph Ocampo.
Sa katunayan, tabla ang Global Remit (1-2), Sabong International (1-2) at MRT-Negros (1-2) sa segunda puwesto sa Pool B subalit ang una ang nakasikwat ng huling semis ticket dahil sa lamang sa set ratio.
“Hanggang sa huli, kumapit kami doon sa natitirang pag-asa sa semis. Mahirap pero laking pasalamat namin dahil nagawa namin,”ani Global Remit coach Edgardo Rusit.
Magpapambuno ang Sabong International, MRT-Negros at Basilan sa classification matches para sa ikalima hanggang ikapitong puwesto simula ngayon.