Parak sinaksan ng ‘tari’, kritikal (Latest Sabong News)
Author
Danilo Garcia
Date
JUNE 25 2019
MANILA, Philippines — Nasa malubhang kondisyon ang isang pulis makaraang tarakan siya ng ‘tari’ para sa manok ng isa sa mga sabungero na nahuli nila sa pagsalakay sa iligal na tupada sa Caloocan City, kamakalawa ng tanghali.
Nakaratay ngayon sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital dahil sa sugat sa sikmura si P/Corporal Lord Byron Tolentino, miyembro ng Police Community Precinct 5 ng Caloocan City Police.
Kinilala naman ang nakasaksak na suspek na si Romy Quisay, 24, construction worker.
Sa ulat ng pulisya, alas-11 ng tanghali nang salakayin ng mga tauhan ng PCP 5 ang isang tupadahan sa may Agape St. Brgy. 178 Camarin, at naaktuhan ang malaking grupo ng mga lalaki na abala sa sabong.
Inaresto ng mga pulis sina Quisay kasama pa ang ibang sabungero na sina Joel Espaltero, 53; Gerald Gonzaga, 50; Aries Dioneda, 31; Joevito Bajasan, 34; at Ruel Nebreja, 40.
Pumalag naman si Quisay sa pag-aresto ni Tolentino hanggang sa saksakin niya ang pulis sa tiyan gamit ang tari na para sana sa kanyang ‘tinale’. Sinaklolohan ng mga kasamahan si Tolentino na agad na isinugod sa pagamutan habang tuluyang pinosasan si Quisay.
Narekober ng mga pulis ang dalawang sasabunging tandang, dalawang tari at pustang pera na aabot sa P1,000. Nahaharap ang mga dinakip na suspek sa paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling habang dagdag na kasong Frustrated Homicide ang isasampa kay Quisay sa Caloocan City Prosecutor’s Office.