3 sabungero tinodas sa tulay (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
DECEMBER 31 2016
MANILA, Philippines – Pinagbabaril ang tatlong magkakamag-anak habang pauwi sa kanilang bahay mula sa isang sabungan na naganap sa tulay na nagdudugtong sa hangganan ng Brgy. Poblacion at Brgy. Aringay, Kabacan, North Cotabato, kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Franz Marion Uyangurin Villanueva, 28, Gerry Villasor Uyanguren, 52; at Roland Villasor Uyanguren, 48, kapwa residente ng Barangay Aringay.
Nakaligtas naman sa nasabing pamamaril ang dalawang angkas na sina Calixto Villasor, 41, residente ng Barangay Kayaga at Richie Daniles, 32, may-asawa at residente ng Villanueva, Poblacion ng bayang ito.
Batay sa ulat na nakarating kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., ala-1:30 ng madaling araw ay galing sa isang sabong sa Barangay Osias ang mga biktima.
Papauwi na ang mga ito sakay sa kani-kanilang motorsiklo at pagdating sa bahagi ng tulay sa nabanggit na lugar ay dito na sila pinagbabaril ng mga hindi pa kilalang kalalakihan.
Narekober sa crime scene ang 50 basyo ng bala mula sa 5.56 caliber pistol na ginamit sa pamamaril. Hindi naman tinangay ng mga suspek ang motorsiklo at pera ng mga biktima.