3 magkakaanak na sabungero nilikida (Latest Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
DECEMBER 31 2016
KABACAN, North Cotabato, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa tatlong magkakamag-anak na kagagaling lang sa sabungan nang tambangan at pagbabarilin ng mga kalalakihan pagsapit sa tulay na nagdudugtong sa hangganan ng Brgy. Poblacion at Brgy. Aringay, Kabacan, ng lalawigang ito kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Insp. Randy Apostol, itinalagang OIC ng Kabacan Police ang mga nasawi na sina Franz Marion Uyangurin Villanueva, 28-anyos, ng Poblacion, Kabacan; Gerry Villasor Uyanguren, 52-anyos, may asawa, negosyante at Roland Villasor Uyanguren, 48-anyos, may asawa, magsasaka, at kapwa residente ng Brgy. Aringay ng nasabing bayan.
Nakaligtas naman sa nasabing pamamaril ang dalawang mga angkas na sina Calixto Villasor, 41-anyos, ng Brgy. Kayaga at si Richie Daniles, 32-anyos, may asawa ng Villanueva, Poblacion ng bayang ito.
Sinabi ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., ala-1:30 ng madaling araw habang papauwi na ang mga biktima sakay ng kani-kanilang motorsiklo mula sa paglalaro ng sabong sa Brgy. Osias nang pagsapit sa may tulay ay agad silang pinagbabaril ng mga nag-aabang na armadong kalalakihan.
Maraming tama ng bala ang tinamo ng mga biktima na naging dahilan ng kanilang agarang kamatayan.
Narekober sa crime scene ang 50 basyo ng bala mula sa 5.56 caliber pistol na ginamit sa pamamaril. Hindi naman tinangay ng mga suspek ang motorsiklo at pera ng mga biktima.