Paghandaan, masamang epekto ng eleksiyon (Latest Sabong News)
Author
Kokoy Alano
Date
APRIL 08 2022
TIYAK na tataas ang presyo ng mga bilihin dahil dumami ang umiikot na perang ipinamudmod ng mga pulitiko. Magdudulot ng inflations. Samantala, nakakaligtaan namang bigyan ng pansin ang sariling produksiyon ng agricultural products.
Kasabay ng napakainit na panahon, mainit din ang usapin sa pulitika. Nagpapatianod ang mamamayan sa mga anunsyo ng surveys na nagkukundisyon sa isipan ng mamamayan kung sino ang kakampihan. Dahil dito kaya nasisilat sa pagpili ng matitinong kandidato na manunungkulan. Tiba-tiba ang mga research and surveying firms. May karma rin yan, hoooy!
Wala na halos ang COVID-19 pandemic pero patuloy pa rin ang pagiging tulala ng mga tao sa paghahanapbuhay. Hinahanap ng mga kumag ang mga kandidato na magbibigay ng ayuda kahit nagmimistulang mga inutil na kalabit-penge ng lipunan. Naiiraos din daw naman ang buhay ni Juan Tamad sa tulong ng mga kandidato. Hintayin n’yo ang latigo ng mga anito ng korapsiyon sa kongreso at munisipyo. Sigurado ‘yan!
Bagama’t marami rin naman ang mga nanay na nagsikap makapagtrabaho sa panahon ng pandemya, ibinaling naman ng tatay ang panahon sa pagtaya sa e-sabong. Kaya naubos ang kinita ng nanay. Kasama na malamang ang cash na ayuda ng mayor at congressman. Sayang naman! Tsk-tsk-tsk!
Bilyones na salapi ang lumabas ng bansa upang ipamili ng bakuna sa nakaraang halos dalawang taon. Ngayon naman ay gumastos pa ang mga pulitiko at political funders sa pagbili ng t-shirts sa China para ipamudmod sa mga dadalo sa caravan at concert rally. Sigurado naman daw na mababawi nila ‘yan sa kaban ng bayan pagsapit ng “Year of the Crocodiles”. Tiyak yun ‘di ba?