EDITORYAL – Ireporma ang PNP (Latest Sabong News)
SA kabila nang magandang ginawa ni President Duterte sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na tinaasan niya ng suweldo noong 2016, marami pa rin sa mga ito ang gumagawa ng kabuktutan. Walang kasiyahan sa natatanggap na suweldo at naghahangad pa ng pera sukdulang mangotong, manghulidap at magnakaw. Lalo pang naging matakaw at gahaman. Grabe na ang nangyayari sa mga pulis ngayon at nararapat nang ireporma.
Mayroon pa namang mga mabubuting pulis na tinutupad ang kanilang sinumpaang tungkulin pero mas nakararami ang gumagawa ng kasamaan na nagpapababa sa imahe ng PNP. Hindi na sila pinagtitiwalaan ng mamamayan.
Mula nang mauso ang e-sabong, marami nang pulis ang nasangkot sa bisyong ito. Bukod sa maraming pulis ang nalulong at nagkautang ng milyon dahil sa e-sabong, marami rin palang ginagawang hanapbuhay ang panghuhulidap sa mga sabungero mismo. Nakasilip ang mga kawatang pulis na puwedeng pagkaperahan ang mga sabungero.
Noong Marso 19, 10 pulis sa Bacolor, Pampanga ang inakusahang nanghulidap sa 10 sabungero makaraang i-raid nila ang isang tupadahan sa nabanggit na lugar. Kinuha sa mga sabungero ang P379,000. Ang mga pulis ay mga miyembro ng drug enforcement and intelligence unit. Sinibak na ang 10 pulis, kabilang ang police director.
Sa Laguna, dalawang pulis ang sinibak sa puwesto makaraang akusahan ng pangingidnap sa anim na sabungeros at tinaniman pa ng illegal na droga. Bukod sa pangingidnap at pagtatanim ng droga, ninakaw pa ng dalawang pulis ang P300,000 cash, alahas at cell phones ng mga sabungeros.
Sa Caloocan, anim na pulis ang sinibak dahil sa pagnanakaw ng P14,000 sa vendor noong nakaraang Marso 27.
Mga pulis din ang itinuturong kumidnap sa 30 sabungeros na nawala noong Disyembre. Hanggang ngayon, hindi pa natatagpuan ang mga sabungeros at hinihinalang patay na.
Matinding reporma na ang kailangan sa PNP. Kung hindi magsasagawa ng reporma, babagsak ang pambansang pulisya dahil sa masasamang pulis. Isalba ang PNP.