EDITORYAL - Pulis na naman! (Latest Sabong News)
Grabe na ang ginagawa ng mga pulis ngayon. Nakakatakot na. Nawala na ang motto nila na “magsisilbi at magpoprotekta”. Napalitan na iyon ng “mangongotong at manghuhulidap’’. Mayroon pa namang mga mabubuting pulis na tinutupad ang kanilang sinumpaang tungkulin pero mas nakararami ang gumagawa ng kasamaan. Ang ginagawa nilang mga kabuktutan ang lalong nagpapababa sa image ng Philippine National Police (PNP). Marami na ang hindi nagtitiwala dahil sa kanilang kasamaang ginagawa. Maraming nag-akala na ang pagbibigay nang mataas na suweldo sa mga ito ni President Duterte noong 2016 ay makapipigil sa paghahangad ng mga ito sa pera, pero malaking pagkakamali sapagkat lalo pang naging matakaw at gahaman. Hindi na nakuntento sa suweldo nila at gumagawa pa ng kawalanghiyaan.
Mula nang mauso ang e-sabong, marami nang pulis ang nasangkot sa bisyong ito. Bukod sa maraming pulis ang nalulong at nagkautang ng milyon dahil sa e-sabong, marami rin palang ginagawang hanapbuhay ang panghuhulidap sa mga sabungero mismo. Nakasilip ang mga kawatang pulis na puwedeng pagkaperahan ang mga sabungero.
Noong Marso 19, sampung pulis sa Bacolor, Pampanga ang inakusahang nanghulidap sa sampung sabungero makaraang i-raid nila ang isang tupadahan sa nabanggit na lugar. Kinuha sa mga sabungero ang P379,000. Ang mga pulis ay mga miyembro ng drug enforcement and intelligence unit. Agad na sinibak ang 10 pulis, kabilang ang police director.
Sa Laguna, dalawang pulis ang sinibak sa puwesto makaraang akusahan ng pangingidnap sa anim na sabungeros at tinaniman pa ng ilegal na droga. Bukod sa pangingidnap at pagtatanim ng droga, ninakaw pa ng dalawang pulis ang P300,000 cash, alahas at cell phones ng mga sabungeros.
Mga pulis din ang itinuturong kumidnap sa 31 sabungeros na nawala noong Disyembre. Hanggang ngayon, hindi pa natatagpuan ang mga sabungeros. Sabi ni President Duterte kamakailan, maaring patay na ang mga ito.
Grabe na ang ginagawa ng mga pulis, Matinding reporma na sa PNP ang nararapat isagawa ng susunod na PNP chief. Kung hindi magsasagawa ng reporma, babagsak ang pambansang pulisya dahil sa scalawags na miyembro.