Tupadahan ni-raid sa Laguna sabungero nang-agaw ng baril, pulis utas! (Latest Sabong News)
Author
Ed Amoroso
Date
APRIL 05 2022
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay ang isang pulis matapos pumalag sa aresto at mang-agaw umano ng baril ang isa sa tatlong sabungero na naaktuhang nagsasagawa ng illegal na sabong o “tupada” sa isinagawang pagsalakay sa Pangil, Laguna nitong Linggo.
Kinilala ang napaslang na pulis na si Chief Master Sergeant Gilbert Briz, 42-anyos, nakatalaga sa Pangil Police Station. Hindi na siya umabot pang buhay sa General Cailes Memorial District Hospital sa Pakil, Laguna.
Sa ulat ng Laguna Police Provincial Office (PPO), naganap ang insidente dakong alas-10:46 ng umaga kamakalawa nang salakayin ng mga tauhan ng Pangil Police ang isang tupadahan sa Barangay Sulib.
Sa imbestigasyon, nakatanggap ng report ang pulisya na may nagaganap na tupadahan sa naturang lugar kaya nagsagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga pulis kasama si Briz. Naabutan umano ng raiding team sa lugar ang mga suspek na sina Ronilo Oliveros Ruben alias “Babap”, 33, welder; Alan Gabriel Acueza, 43, company driver at Jayson Valenzuela, obrero, habang nagtutupada.
Pero habang inaaresto umano ni Briz si Ruben ay pumalag umano ito at biglang dinakma ang service firearm nito.
Dito na nakipag-agawan ang nasabing pulis sa baril hanggang sa magawang paputukan ng suspek ang biktima saka siya mabilis na tumakas.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad, naaresto si Ruben sa pinagtataguan nito sa Brgy. 4 Quinale, Paete, Laguna bandang gabi na ng nasabi ring araw.
Ang mga kasama ni Ruben na sina Acueza at Valenzuela ay kapwa nasa kustodya na ng pulisya. -