Ex-kapitan, 2 pa nang-holdap ng ‘7-eleven’ (Latest Sabong News)
Author
Jorge Hallare
Date
MARCH 20 2022
STO. DOMINGO, Albay, Philippines — Kalaboso ang isang dating barangay captain at dalawang iba pa kabilang ang isang dating negosyante na lulong sa e-sabong matapos silang mangholdap umano ng isang kilalang convenience store na may sangay sa Poblacion ng bayang ito kamakalawa ng madaling araw.
Sinampahan na ng patung-patong na kasong kriminal ang mga suspek na kinilalang sina Teodorico Balana Celso, dating tserman ng Brgy. Banao, Bacacay, Albay; Arnulfo Choque Bandola, 40, dating negosyante, at James Cañesa Cobilla, 22; kapwa ng Brgy.14 Baclayon, Banacay, Albay.
Sa ulat, ala-1 ng madaling araw, armado ng mga baril ay hinoldap ng tatlong suspek ang 7-Eleven convenience store sa naturang lugar at sapilitang kinuha sa kahera ang P4,071 cash na kanilang kinita.
Malinaw namang nakunan ng CCTV camera ng convenience store ang mukha ng mga suspek pati ang kanilang pagtakas gamit ang isang motorsiklo.
Sa operasyon ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon ay naispatan si Bandola dahil sa suot pa nito ang sombrero, relo at tsinelas na nakita sa CCTV nang sila ay mangholdap sa nasabing convenience store.
Agad dinakma ang suspek habang tumataya sa Pitmaster E-sabong betting station sa Diversion Road, Brgy. Sta. Miserecordia.
Inginuso naman ni Bandola ang dalawang kasama na sina Celso at Cobilla na magkasunod na nadakma ng mga operatiba.
Nabawi kay Celso ang ginamit nito sa panghoholdap na replika ng kalibre 45 baril, sumpak at motorsiklo na nadiskubreng ninakaw rin ng mga suspek.
Inamin ni Bandola na dati siyang negosyante pero dahil sa pagkaadik sa e-sabong ay bumagsak ang kanyang negosyo hanggang sa mauwi ang trabaho nito sa panghoholdap para may maitaya sa nasabing sugal.