Gen. Bato: Ipasara mo ang illegal mining sa Paracale! (Latest Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
JULY 06 2016
PANSAMANTALANG nagsara ang illegal mining sa Bgy. Bulaay sa Paracale, Camarines Norte bunga sa rigodon sa Philippine National Police (PNP). Nagyayabang ang bagman na si Hector Honasan na kahit maupo si PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” de la Rosa ay hindi maapektuhan ang tabakuhan n’ya. Subalit nagsara si Honasan bunga sa bago ang regional director ng PNP sa Bicol sa katauhan ni Chief Supt. Melvin Buenafe, na kaklase ni Gen. Bato. Ayon kay Honasan, kakausapin muna n’ya sina CIDG director Chief Supt. Rene Obusan, na kaklase din ni Gen. Bato, si Gen. Buenafe at ang bagong upo na provincial director ng Camarines Norte PNP para tuloy-tuloy ang ligaya nila ng aabot 55 financiers ng small-scale mining. Hehehe! Puro kaklase ni Gen. Bato itong binabanggit ni Honasan ah? Kung talagang ayaw ni Pres. Rodrigo Duterte ng corruption, dapat iutos n’ya ang pagsara ng minahan ng ginto sa Bgy. Bulaay dahil karamihan mga pulis ang nakikinabang. Anong sey mo Gen. Bato Sir?
Nasa tamang landas naman si Gen. Bato nang itapon n’ya sa Mindanao ang aabot sa 17 pulis ng NCRPO na pinagsuspetsahang miembro ng grupong Ninja. Napatunayan ni PNP chief na hindi s’ya nagbibiro sa pangako n’ya na linisin ang hanay ng kapulisan ng tinatawag na scalawags. Itong 17 pulis na galing sa NCRPO ang kaunaunahang sinampolan ni Gen. Bato para humarap sa mga Abu Sayyaf sa Mindanao, di ba mga kosa? Kaya kayong mga pulis na sangkot sa pagbebenta ng shabu at iba pang droga, aba abangan n’yo na ang mga pangalan n’yo sa listahan ng mga itinapon sa Mindanao. Hehehe! Kaya magbago na kayo!
Sa ganang akin naman, nasa tamang landas itong si Gen. Bato nang pagbawalan n’ya ang mga pulis sa beerhouse, casino, karerahan, sabungan at maging sa paglaro ng golf sa oras ng trabaho. Open secret naman kasi ‘yan mga kosa na marami sa ating mga pulis ay financiers ng patubuan o 5-6 sa casino at madami ding adik sa sugal na karera sabong at laman din sila ng beerhouse. Meron ding mga pulis na tambay sa casino at ang lakad ay ang mang-holdap ng mga umuuwing nanalong sugarol, di ba mga kosa? Ang hindi lang maganda dito ay wala namang sinabi itong si Gen. Bato kung ano ang kaparusahan sa mga hindi sumunod sa mga alituntunin n’ya? Hehehe! Ang mga police reporters kaya exempted dito sa order ni Gen. Bato? Ang saya-saya, di ba mga kosa?
Noong Lunes naman, ibinando ni Gen. Bato na 11 sa aabot 2,405 na pulis na sumasailalim sa drug test sa Camp Crame ay positibo sa paggamit ng droga sa kanilang urine sample. Kapag nadismis ang 11 na pulis na positibo sa droga, aba maniniwala na talaga ang sambayanan na seryoso itong si Gen. Bato sa kampanya laban sa droga dahil wala siyang pinipili o kinikilingan, dahil t’yak me opisyal dito, di ba mga kosa? Kaya ang hamon ko ke Gen. Bato, sibakin mo na sa tungkulin ang 11 na pulis na positibo sa droga para makabawi ka at umani pa ng pogi points sa publiko. Hehehe! Weder-weder lang talaga ‘yan!
Sinabi naman ng mga kosa ko, na dapat isama rin ni Gen. Bato sa cleansing n’ya sa PNP ang mga pulis na nagsa-sideline din bilang gambling lords. Noong panahon ni ret. Gen. Cipriano Querol sa Directorate for Intelligence (DI) may 27 pulis na gambling lords din sa buong bansa at kasama rito sina SPO3 Gener “Paknoy” Presnedi ng MPD, SPO1 Jojo Cruz ng QCPD, at SPO4 Roberto “Obet” Chua ng CIDG Manila Field Office. Hehehe! Sobra-sobra talaga ang trabaho na inabutan nitong si Gen. Bato sa PNP at baka sa ngayon ay hilong-hilo na s’ya sa kaiisip kung paanp masulosyunan ang mga ito, di ba mga kosa?
Unahin mo kayang isara ang minahan sa Bgy. Bulaay sa Paracale Gen. Bato Sir para maniwala ang publiko na ayaw mo din ng corruption tulad ng amo mo na si Pres. Digong. Hehehe! Kahit may kaklase ka pang nasa likod ng operation nito. Abangan!