Maraming nauto bakbakan kuno nina Baron at Kiko, pinagkaperahan lang! (Latest Sabong News)
Author
Ed de Leon
Date
JUNE 27 2016
Hindi pa nakagagawa ng hit movie sina Baron Geisler at Kiko Matos. Lately puro mga indie nga lang ang nasasalihan nila, at alam naman ninyo kung ilang tao lang ang nanonood ng mga indie na iyan.
Pero nakagawa sila ng isang hit, noong magbakbakan sila sa isang club sa Taguig, kung saan ginanap ang isang showdown nila matapos na mag-away sa isa pang inuman sa Quezon City.
Ang akala ng marami, talagang magkakabasagan ng mukha. Iyon naman ang inaasahan ng mga nanonood ng mga ganyang laban. Parang sabong iyan eh, tao nga lang ang naglalaban.
Pero nang matapos ang laban, at nauwi sa draw matapos ang second round, naisip din ng mga nanood na kumbaga sa sabong, “tiyope” ang labanan. Mukhang palabas lang talaga. Obviously “nakapag-fund raising sila”. Pero ang mga taong pauwi, akala mo nakapanood ng isang bomba film na nagupit ng censors, lahat ang sinasabi “harang”.
Pilit kaming isinasama ng isang kaibigan namin na manood ng laban, pero hindi kami nakumbinsi dahil palagay namin walang mangyayari, lalabas na draw iyan dahil wala namang papayag sa kanilang matalo. Showbiz iyan eh. Ang inaasahan namin talaga in the end magyayakapan pa iyan. ‘Di ba ganoon nga ang nangyari? Tapos ano ang tanong ni Baron noong matapos ang laban, “are you all entertained”. Eh entertainment nga iyan eh.
Doon sa unang press release, hinalikan pa ni Baron si Kiko, tapos sinipa siya. Doon sa isa namang press release nag-spray pa ng sabi nila ihi, iyon pala beer, si Kiko kay Baron. Para ring wrestling iyan eh, talaga namang drama lang ang lahat. Ano ba ang aasahan ninyo?
Noong magkita nga kami ng kaibigan namin matapos ang laban sa isang coffee shop, disappointed siya. Alam niya naisahan lang ang lahat ng nanood sa laban ng dalawa. Kaya nga pareho silang ayaw na ng rematch, eh. Sino pa ba ang manonood eh alam na nilang harang?
Tawa kami nang tawa noong ipakita pa sa amin ang video sa cellphone nila. Isipin mo ang mga bayo ng suntok na tinanggap ni Baron mula kay Kiko. Pagkatapos noon nakatayo pa siya at ok pa. Isa lang ang ibig sabihin noon, hindi malakas ang suntok. That’s entertainment!
Nakita namin ang ginawang impersonation ni Barbie Forteza sa singer na si Beyoncé sa isang lip synch show. Magaling din talaga si Barbie. Doon din sa comedy segment ng isa nilang show, ini-impersonate naman niya si Kris Aquino. Medyo over siya roon, pero comedy nga kasi ang kanilang ginagawa eh.
Pero naisip lang namin, matapos na manalo si Barbie ng isang best actress award sa isang international film festival, aba kahanay na rin siya nina Nora Aunor, Charo Santos at maging ni Jaclyn Jose.
Pero bakit naman kung kailan niya napatunayan ang kanyang galing sa acting at saka siya binibigyan ng puro impersonation lamang?
May nagsabi pa sa amin, si Barbie naman daw hindi nanalo sa mga local award giving bodies eh. Gusto pa ba ninyong isa-isahin namin ang mga dahilan kung bakit? Gusto ba ninyong matawa o gusto ninyong mainis?
Ang paniwala namin magaling na artista iyang si Barbie. Nagagawa niya kahit na anong role eh. Nakita naman ninyo, matagal din iyang sumabak sa mga teleserye na kinagat naman ng mga tao. Hindi siya kagaya ng iba na sumikat nga lang pero walang alam kundi ang magpabebe.