‘Proof of life’ sa 34 missing sabungero, malabo pa – PNP (Latest Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
MARCH 25 2022
MANILA, Philippines — Aminado ang Philippine National Police (PNP) na wala pa rin silang proof of life sa 34 na nawawalang sabungero hanggang ngayon.
Ito’y sa kabila ng puspusang imbestigasyong isinasagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kaso.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, nagdo-double time na ang mga pulis upang tignan ang lahat ng anggulo at testimonya ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Fajardo, matapos kasuhan ang mga security personnel ng Manila Arena ay isusunod na ipaghaharap ng kaso ang mga pulis mula sa Laguna na sina Patrolman Roy Navarete, Staff Sergeant Daryl Paghangaan at Master Sargeant Michael Claveria.
Sila kasi ang mga itinuro sa Senate hearing na diumano’y dumukot sa ilang mga nawawalang sabungero. Partikular na ang master agent ng e-sabong na si Ricardo “Jonjon” Lasco ng San Pablo City, Laguna.
Nitong Miyerkules ay sinibak na rin ang provincial director ng Laguna Provincial Police Office na si Col. Rogarth Campo habang iniimbestigahan ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Fajardo, iimbestigahan din ang kanilang mga immediate superiors, alinsunod sa prinsipyo ng command responsibility.