Kita ng e-sabong idagdag sa ayuda - Eleazar (Latest Sabong News)
MANILA, Philippines — Iminungkahi ng senatorial candidate at dating PNP chief Guillermo Lorenzo Eleazar sa pamahalaan na dagdagan ang P200 ayuda sa mahihirap na pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis, gamit ang bahagi ng kita ng online sabong.
Ayon kay Eleazar, mahalaga ang inisyatibo ng pamahalaan na ibigay ang naturang ayuda, pero sadyang hindi sapat ang P200 para makamit ang layong makatulong.
“Anumang ayudang dumating ay dapat pa ring ipagpasalamat dahil mas maigi na ito sa wala. Pero hanggang hindi ito ibinibigay ng ating pamahalaan ay nananatili ang aking pag-asa na sana ay madagdagan man lang ito dahil saan nga ba naman aabot ang P200,” ani Eleazar.
“Kung bilyon-bilyon ang nakukuha sa e-sabong, ano ba naman ang kumuha tayo kahit konti doon para ipandagdag na tulong sa ating mga naghihirap na kababayan,” aniya pa.