PNP wala pang ‘proof of life’ sa mga nawawalang sabungero (Latest Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
MARCH 25 2022
MANILA, Philippines — Inamin ng Philippine National Police (PNP) na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang proof of life sa 34 nawawalang sabungero sa kabila ng puspusang imbestigasyong isinasagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito ang inihayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo at nagdo-double time na ang mga pulis upang tignan ang lahat ng anggulo at testimonya ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni Fajardo, matapos kasuhan ang mga security personnel ng Manila Arena ay isusunod na ipaghaharap ng kaso ay ang mismong mga pulis mula sa Laguna.
Sila umano ang mga itinuro sa Senate hearing na diumano’y dumukot sa ilang mga nawawalang sabungero, partikular na ang master agent ng e-sabong na si Ricardo “Jonjon” Lasco ng San Pablo City, Laguna.
Ito ay sina Patrolman Roy Navarete, Staff Sergeant Daryl Paghangaan at Master Sargeant Michael Claveria.
Nitong Miyerkules ay sinibak na rin ang provincial director ng Laguna Provincial Police Office na si Col. Rogarth Campo habang iniimbestigahan ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Fajardo iimbestigahan din ang kanilang mga immediate superiors, alinsunod sa prinsipyo ng command responsibility.
Sina Paghangaan at Navarette ay itinuro ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero na kasama sa mga dumukot sa kanilang mga kaanak.
Nauna nang sinabi ni M/Gen. Eliseo Cruz, director ng PNP CIDG na kahit itinatanggi ng mga pulis ang akusasyon sa kanila ay kakasuhan pa rin nila ang mga ito base sa testimonya ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero at mga makakalap nilang ebidensya.