Manny Pacquiao nasa listahan din, Kris Aquino tina-target daw ng bandidong grupong Abu Sayyaf! (Latest Sabong News)
Author
Lolit Solis
Date
APRIL 27 2016
Kahit si P-Noy ang nagsabi na may plano ang grupo ng Abu Sayyaf na kidnapin ang kanyang kapatid na si Kris Aquino o ang isa sa mga anak nito, dobleng pag-iingat pa rin ang dapat gawin ng TV host.
Binanggit din ni P-Noy ang name ni Congressman Manny Pacquiao na kabilang din sa mga target ng mga terorista.
Kailangan nina Kris at Papa Manny ng mas maraming bilang ng mga bodyguard, kumpirmado man o hindi ang pralala ni P-Noy.
Puwede rin na bumalik muna sa Hawaii si Kris at ang kanyang mga anak para makasiguro na safe sila.
Hindi dapat ipinagwawalang-bahala o ginagawang biro ang mga kidnap threat dahil nakita naman natin ang ginawa ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa mga naging biktima nila.
May dahilan talaga para maalarma ang mga nagmamalasakit kina Kris at Papa Manny.
Mag-expect tayo na maraming isyu pa na nakakaloka ang lilitaw habang papalapit ang eleksyon sa May 9.
Asahan din natin na titindi rin ang mga paninira sa lahat ng mga presidentiable at vice presidentiable.
Iba talaga ang pulitika sa Pilipinas dahil ang mga kasiraan ng mga kandidato ang binibigyan ng atensyon, hindi ang mga naitulong nila sa kapwa at sa pag-unlad ng bayan.
Kita n’yo naman, pinagpipistahan ng mga mahihilig sa sabong ang tarayan nina Senator Antonio “Sonny”Trillanes at Senator Alan Cayetano.
Pinaratangan ni Senator Alan na protector ni Senator Grace Poe si Papa Sonny na binansagan niya na Poetector.
Hindi ikinatuwa ni Papa Sonny ang pralala ng kalaban niya sa vice presidential race. Sinabihan niya si Cayetano na tumabi-tabi dahil baka ito ang isunod niya.
O di ba, imbes na magpaka-action star si Papa Sonny, tinapatan niya ang pagtalak ni Senator Cayetano kaya tuwang-tuwa ang mga usisero dahil masahol pa raw sa mga artista na nagbabangayan ang tarayan ng mga senador na parehong nangangarap na maging bise-presidente ng Pilipinas.
Ikinatuwa ng kampo ni Congressman Manny Pacquiao ang balita na number three na siya sa survey ng mga senatoriable na gustong iluklok sa puwesto ng mga botante.
I’m sure, hindi type ng ilang miyembro ng LGBT community ang good news na ipinagmamalaki ng Pacquiao lovers.
Naimbyerna kay Papa Manny ang LGBT community dahil sa kanyang statement laban sa same-sex marriage. Nairita sila kahit hindi nila napanood ang unedited video ng statement ni Papa Manny.
Hindi ako magpapa-ipokrita, iboboto ko si Papa Manny bilang senador dahil witness ako sa kabutihan niya. Hindi ako magpapadala sa mga sulsol at panghuhusga ng mga tao na hindi naman kilala nang personal ang Pambansang Kamao na malaki na ang ipinagbago mula nang maging malapit siya sa Panginoon.