Dapat bang pisain ang pigsa? (Latest Sabong News)
Author
Dr. Luis Gatmaitan M.D
Date
MARCH 18 2016
MAY mga taong paulit-ulit kung magkaroon ng pigsa. Bakit kaya?
Ang pigsa ay parang impektadong tagiyawat na sobrang laki – namamaga, namumula, makirot, at nakaumbok sa apektadong balat. Nagkakaroon tayo ng pigsa kapag na-infect ang ating hair follicle sa balat. Kapag napasok ng bakterya ang naturang lugar, nagkakaroon nang maraming nana (na waring nasa loob ng supot) rito. Unti-unting lalaki ang pigsa na minsa’y malaki pa sa bola ng ping-pong. At talaga namang masakit ito.
Madalas makita ang pigsa sa lugar na may buhok gaya ng mukha, kilikili, leeg, anit, singit, at puwit. Nakikita rin ito sa mga taong mahina ang immune system.
Paano makakaiwas sa pagkakaroon ng pigsa?
Maipapayo kong laging hugasan at sabunin ang mga area na prone magkaroon ng pigsa. Makatutulong ang mga sabong anti-bacterial. Dapat ding tuyuing mabuti ang naturang lugar bago magsuot ng damit. Iwasan din ang pagsusuot ng damit na sobrang sikip.
Madali ring kumalat ang pigsa kung kaya’t pinag-iingat ang mga kaanak kung merong kapamilya na may pigsa. Puwede kasing magkahawahan.
Ano ba ang puwedeng remedyo sa bahay kung may pigsa?
Huwag pisain, kutkutin, o putukin ang pigsa. Kung pipisain kasi ang pigsa, mas lalo lamang gagawi palalim sa balat ang impeksyon. Kung kakamutin naman ito, puwedeng maikalat ang mikrobyo sa iba pang bahagi ng katawan.
Maglagay ng mainit at binasang bimpo o tela sa pigsa sa loob ng 30 minuto, 3 hanggang 4 na beses maghapon. Dapat itong gawin sa sandaling mapansin na may tumutubong pigsa sa balat. Napapadali nito ang pagkahinog ng pigsa pero baka abutin ito ng isang linggo.
Makatutulong din kung maglalagay ng bote na may lamang mainit na tubig (o heating pad) na nakapatong sa mamasa-masang bimpo o tela.
Ipagpatuloy ang paggawa ng warm compress sa loob ng 3 araw matapos pumutok ang pigsa. Lagyan ng benda ang naturang lugar kung saan pumutok ang pigsa upang mapigilan ang pagkalat pa nito. Palitan ang benda araw-araw.
Gumamit ng sabong anti-bacterial.
Kakailanganing lagyan ng ipinapahid na anti-bacterial ointment ang pigsa.
Puwede ring uminom ng antibiotiko na klasipikadong anti-staphyloccocus.
Kung nagiging paulit-ulit na ang kaso ng pagkakaroon ng pigsa, maipapayong kumunsulta sa isang doctor.