EDITORYAL - Daming nasira sa e-sabong (Latest Sabong News)
NOONG nakaraang Abril 2021 lang nag-operate ang e-sabong na may pahintulot ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). Sa kasalukuyan, pitong kompanya ang binigyan ng lisensiya ng Pagcor para makapag-operate. Nag-hit ang e-sabong makaraang ipagbawal ang aktuwal na sabong sa mga sabungan at pati mga tupada dahil sa pandemya. Isa ang mga sabungan sa super spreader ng virus. Napag-alaman na ang mga sabungan ang karaniwang pinanggagalingan ng virus.
Sa e-sabong, puwede nang mapanood sa cell phones at iba pang gadgets. Online ang tayaan.Dahil online, maraming nakakapanood at pati mga menor-de-edad puwedeng ma-access. Ang resulta, maraming nalululong o naaadik sa sugal na ito online. Ang iba dahil sa pagkahumaling, natatalo nang malaki. Ubos ang kanlang pera. Dahil gustong makabawi, makakaisip magnakaw.
Halimbawa rito ang isang pulis sa Gloria, Oriental Mindoro na natalo ng milyong piso sa e-sabong. Nakilala ang pulis na si Cpl. Leonell Maranan. Dahil gusto niyang makabawi, naisipang magnakaw sa hardware store. Pero nahuli siya at ngayo’y kinasuhan na.
Pati mga OFW ay nahuhumaling din sa e-sabong at walang naiuuwing pera sa pamilya. Dahil sa laki ng utang, ang separation pay ay pambayad lamang sa pinagkautangan dahil sa pagkaadik sa e-sabong.
Pero ang pinakamasama, maraming nawalang sabungero na ngayon ay hindi pa nakikita. Ayon sa report, 30 sabungeros ang nawawala mula pa noong Disyembre 2021. Ang ugat ng pagkawala ay dahil sa e-sabong. Sangkot umano sa “game fixing” ang mga nawalang sabungeros. Ayon kay Sen. Bato dela Rosa, posibleng sangkot ang mga pulis sa pagkawala ng mga sabungeros. Nagpatawag ng Senate inquiry si Dela Rosa dahil sa pagkawala ng 30 sabungeros.
Tamang hakbang ang pagsuspende sa e-sabong. Marami pang sisirain ang sugal na ito kung hindi ipatitigil. Siguruhin lamang na maipatutupad ang kautusan ng presidente. Nararapat namang kumilos ang Philippine National Police para matagpuan ang mga nawawalang sabungeros. Napipintasan ang PNP sa kabagalan nila sa paglutas ng missing sabungeros.