Whistleblower vs Binay huli na nagka-casino (Latest Sabong News)
Author
Ellen Fernando
Date
MARCH 07 2016
MANILA, Philippines - Sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad na tuntunin at batas sa mga testigo na nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ), malaya pa rin umanong nakakapagliwaliw at nakakapagsugal sa labas ang itinuturing na whistleblower laban sa pamilya-Binay na si dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado matapos na ma-ispatan sa sabungan at casino.
Ayon sa kampo ni Vice President Jejomar Binay, hihilingin nila sa DOJ na maimbestigahan ang ulat na malayang nakalalabas sa kanyang lungga sa WPP si Mercado na labag sa panuntunan ng WPP at nagsusugal kasama ang ilang bodyguards. Posible aniya na nakakakuha ng special treatment si Mercado sa DOJ.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Senator Nancy Binay na muli siyang susulat sa DOJ upang masiyasat ang tila malayang pagliliwaliw at pagsusugal sa sabungan at casino ni Mercado habang nasa ilalim siya ng WPP.
Nabatid na una nang sumulat ang kampo ni Binay sa DOJ upang siyasatin ang report na naispatan sa sabungan si Mercado. Sinundan pa umano ng pagkaka-casino nito sa isang hotel nitong Sabado.
Kinuwestyon pa ni Binay kung saan kinukuha ni Mercado ang kanyang pera na pantaya sa sabong at casino sa kabila ng unang pahayag ng huli na kawawa ang mga katulad niyang testigo na nasa WPP dahil sa kawalan ng kita.
Si Mercado ang nagsilbing testigo ng mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee laban kay VP Binay sa mga ibinibintang na overpricing ng Makati City Hall Building 2 at umano’y iba pang mga tagong yaman.
Duda ang kampo ni Binay na posibleng may nagbibigay ng pondo kay Mercado para sa kanyang kapritso o bisyo habang nasa WPP.
Sinabi ni Binay na maaaring ngayong araw ay ipadala niya ang kanilang panibagong sulat sa DOJ upang hilingin na siyasatin ang pagsusugal sa casino ni Mercado.