Pulis opisyal, arestado sa e-sabong at estafa (Latest Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
MARCH 01 2022
MANILA, Philippines — Isang police official na nasa restrictive custody ang inaresto habang tumataya sa e-sabong sa isang betting station sa Maynila, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang suspek na si P/Lt.John Kevin Menes, 24, ng 726 P. Hererra St., Tondo, Manila at nakatalaga sa PNP-Drug Enforcement Group – Special Operations Unit – 4 (DEG – SOU 4) na kinasuhan ng Article Art 315, RPC (Estafa) at P.D. 1602 (Illegal Gambling).
Batay sa ulat, naka-restrictive custody si Menes sa PRO 4A Camp Vicente Lim sa kabiguang maipaliwanag ang nawawalang P500,000.00 cash na pondo para sa anti-illegal drug operations ng PDEG-PRO4A.
Bagama’t naka-restrictive custody ay umalis ito sa Camp Vicente Lim noong Marso 27,gamit ang hiniram na pulang Honda Civic 2008 na may plakang ZSJ 616 mula sa kanyang subordinate na si Pat. Melvin Bojocan Barbo. Hindi na ito naibalik ni Menes na naging dahilan upang magsagawa ng operation ang kanyang mga kasamahan.
Noong Marso 30, 2022, alas-2:00 ng madaling araw nang makatanggap ng impormasyon mula sa informant na nakita si Menes sa Pitmaster live sa OCBS Nagtahan-Ramon Magsaysay Blvd, Sta. Mesa, Maynila na tumataya.
Dito na rin siya hinarang ng mga tauhan ng establisimyento dahil na rin sa utang na taya sa e-sabong na P15,000.
Itinuro rin ni Menes ang kinarooronan ng sasakyan ni Barbo na kanyang hiniram.
Natagpuan ito sa Mayhaligue St., Tondo, Manila kaya mabilis na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng PDEG-SOU 4 at dito dumating ang complainant na si Angel Robert Maximo at sinabing sinanla sa kanya ni Menes ang sasakyan sa halagang P170,000 na may tubo na 1% kada araw.
Inamin ni Maximo na inakala niyang si Menes ang may-ari ng sasakyan at nagtiwala siya sa opisyal at hindi naisip na magagantso siya ni Menes.
Agad na inaresto si Menes at nahaharap sa patung-patong na kaso. -