Police Colonel itinuro sa ‘missing sabungeros’ (Latest Sabong News)
Author
Gemma Garcia
Date
MARCH 22 2022
MANILA, Philippines — Itinuro ng gaming businessman na si Charlie “Atong” Ang ang hepe ng Laguna Police District na si Police Col. Rogart Campo na umano’y may kinalaman sa pagkawala ng 34 na sabungero.
Sa patuloy na pagdinig ng Senate committee on public order and Dangerous Drugs, sinabi ni Ang na noong nakaraang taon ay nagpatulong siya para matigil ang cloning o panggagaya sa website ng kanyang e-sabong operation at sa case conference sa kanyang tanggapan sa opisina na dinaluhan ng mga police officials, NBI cyber crime investigators ay sinabi ni Campo ang mga katagang “gusto mo dukutin na lang namin”.
Hindi naman umano niya alam kung nagbibiro si Campo na noon ay hepe ng Criminal Investigation and Detection group (CIDG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Mariin naman itong pinabulaanan ni Campo at sinabing posibleng slip of the tongue lang.
Ibinunyag pa ni Ang na noong naging hepe na ng Laguna Police si Campo ay dalawang beses niya itong nakita noong pinuntahan siya sa Lipa Batangas at pinakitaan siya ng isang litrato ng ginagawang gusali.
Binigyan umano niya si Campo ng P1 milyon na noon ay magdiriwang ng kanyang kaarawan para sa finishing ng gusali at pinapaako umano kay Ang na siyang may-ari ng gusali.
Muli naman iginiit ni Ang na ang mga bintang sa kanya ay bahagi ng conspiracy laban sa kanya.