Mister patay sa gulpi ng bodyguards ni ‘Atong Ang’ (Latest Sabong News)
Author
Lordeth B. Bonilla
Date
SEPTEMBER 21 2017
MANILA, Philippines — Isang mister na sinasabing napatay sa gulpi ng umano’y mga bodyguard ng isang alyas Atong Ang matapos umanong hindi magbayad sa utang nito sa sabong na nagkakahalaga ng P30,000.00 na naganap sa loob ng comfort room ng Resorts World Manila sa Pasay City Police na iniulat kahapon.
Dead on arrival nang isugod sa Protacio Hospital sa Parañaque City ang biktimang si Benjamin Quijano Jr., 35, nakatira sa Talisay St., Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.
Samantala, inaalam pa ng pulisya ang pangalan ng mga bodyguard ni Ang, na siya umanong responsable sa panggugulpi sa biktima.
Sa report na isinumite sa tanggapan ni Police Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., director ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente mula alas-9:40 ng gabi (Setyembre 18) hanggang alas-5:30 ng umaga (Setyembre 19) sa loob ng comfort room ng Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila, Brgy. Villamor, Pasay City.
Sa pahayag ng misis ng biktima na si Josephine, 45, nakatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa kaibigan ng kanyang mister na si alyas Cezar na ginulpi aniya ito ng mga bodyguard ng isang alyas Atong Ang dahil umano sa hindi nabayarang utang sa sabong na nagkakahalaga ng P30,000.00.
Kung kaya’t ayon kay Josephine, siya at ang kanyang 17-anyos na anak na babae ay kaagad na nagtungo sa naturang hotel casino upang alamin ang nangyari sa kanilang padre de pamilya.
Sinabi ni Josephine, pagdating nila ng Resorts World, dito na siya sinabihan ng isa sa mga body guard ni Ang na hindi aniya ito nagbayad ng kanyang utang.
Ayon sa ginang na siya naman ang sinisingil nito, na mag-produce aniya ito ng naturang halaga para makapagbayad ng utang ng kanyang mister, subalit nagmakaawa siya dito na wala siyang ganung halaga at nais niyang makita ang kalagayan ng kanyang mister.
Ngunit tumanggi ang isa sa mga bodyguard at alas-5:30 ng umaga, dumating si Ang sa naturang hotel casino at inutusan umano nito ang kanyang mga bodyguard, na mula sa comfort room ay dalhin sa isang kuwarto ang biktima.
Dito na nakita ni Josephine ang lupaypay na mister at kaagad itong tumawag ng taxi hanggang sa dinala ito sa naturang ospital, su-balit idineklara itong DOA.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya.