Lacson-Sotto, bibigyang proteksyon ang publiko sa E-Sabong na walang daya (Latest Sabong News)
Author
Gemma Garcia
Date
DECEMBER 31 2021
MANILA, Philippines — Masusing pag-aaralan ni Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson at running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung paano makokontrol ng gobyerno ang nauusong E-Sabong na talamak maging sa mga social media platform na walang daya para maproteksiyunan ang publiko.
Ito ang tugon ni Lacson matapos matanong sa naturang usapin nang makapanayam sa programang ‘Ikaw ang On the Spot: The Presidential Candidate Interview’ sa Teleradyo, kung saan, natukoy pa na mayroon nang ilang overseas Filipino workers ang nagpatiwakal bunga ng matinding pagkatalo.
“Ang laki ng social cause, ang laki ng social problem so dapat mayroong prangkisa, may legislative franchise sa Kongreso.
Naka-transmit na sa Senado, pag-aaralan naming mabuti,” banggit ni Lacson bilang pangunahing remedyo sa nagugumon sa nabanggit na sugal na ayon sa mga ulat ay puwedeng tumaya kahit mga menor de edad.
Aniya, sa simula pa lang umano ay ayaw na niya sa ganitong porma ng sugal dahil maaaring magkaroon ito ng malalim na epekto sa usaping panlipunan dahil kahit sino—maging mga bata—ay maaaring tumaya gamit ang mga mobile o virtual wallet app.
Naniniwala si Lacson at Sotto na mahalagang mapag-aralang mabuti ang batas na kokontrol sa E-Sabong dahil magiging banta naman umano ito sa hinaharap kung hindi sasailalim sa legal na proseso.
Sa isang press conference kamakailan ay ipinaliwanag ni Lacson na kailangang makontrol ang ganitong uri ng sugal upang magkaroon ng safety measures o alintuntunin na poprotekta sa mga tumataya rito.