Pulis nagtangkang manloob sa ‘hardware’, tiklo (Latest Sabong News)
Author
Ed Amoroso
Date
FEBRUARY 20 2022
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Arestado ang isang pulis na isinasangkot sa “online sabong” sa mga barangay tanod matapos siyang maaktuhan habang nilooban ang isang hardware establishment sa Sta. Maria, Gloria, Oriental Mindoro, noong Biyernes ng gabi.
Nasa kustodya na ng Gloria Police dinakip na pulis na si Corporal Leonell Lazaro Maranan, residente ng Sta. Cruz, Calapan City, Oriental Mindoro at nakatalaga sa Technical Support Company ng Regional Mobile Force Battalion 4B.
Sinabi ni P/Major Edwin Villarba, hepe ng Gloria Police na si Maranan ay sinasabing sangkot sa “online sabong” na maaaring nag-udyok sa kanya para magtangkang magnakaw.
Sa ulat, habang nagsasagawa ng routine patrol ang mga tanod na sina Jay Permejo Semilla, 37, at Necole Camilla Pilapil, 22, nang makarinig sila ng ingay mula sa back door ng ABC3 Hardware na pag-aari ng isang Allan Seño Mantaring. Nang beripikahin, nakita nilang sira na ang door knob ng nasabing establisimiyento. Nadiskubre rin nila na may mga kagamitan sa sahig gaya ng pliers, screwdrivers, at martilyo na ginamit para sirain ang naturang doorknob.
Matapos ang 30 minuto, isang lalaki ang lumutang malapit sa madilim na bahagi ng bisinidad ng establisimyento kaya agad siyang hinuli at sa beripikasyon ay dito nila kinilala ang suspek na si Cpl. Maranan. Narekober dito ang kanyang service firearm na Beretta caliber 9mm na may magazines at bala, at certificate of authority na inisyu ng Commission on Elections. - Joy Cantos